Daughters of Saint Paul

Disyembre 6, 2016 MARTES Ikalawang Linggo ng Adbiyento / San Nicolas, obispo

Mt 18:12-14

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ano sa palagay n'yo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ato, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu't siyam para hanapin ang naliligaw? At sanasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit na mawala isa man sa maliliit na ito.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, tulad natin, naramdaman ng Diyos ang sakit ng mawalan. Habang nakikita Niya tayong nawawala, napapariwara, nagkakasala – nagdudulot ito sa Kanya ng labis na kalungkutan. Masakit man sa Kanya ang ginawa nating pagtalikod sa Kanyang kagustuhan, iginagalang Niya pa rin ang ating malayang pagpapasya. Walang ibang hangad ang Diyos kundi ang makitang masaya tayo – kahit paminsan, lumilihis tayo sa Kanyang kalooban. Pero, kapag nakita Niyang lugmok na tayo sa pagkakasala – na nagdudulot sa atin ng kalituhan, kahungkagan at labis na kalungkutan – pilit Niyang inaabot ang ating mga kamay upang sagipin tayo sa kapahamakan.  Oo, mga kapatid, tunay ngang ganun na lamang ang pag-ibig ng Diyos Ama sa atin, kaya isinugo Niya ang Kanyang kaisa-isang Anak para sagipin tayo sa walang hanggang kapahamakan at kamatayan.   Tulad ng kuwento ng alibughang anak – sa tuwing natatanaw ng Diyos Ama ang ating pagbabalik – labis na kagalakan ang Kanyang nadarama, at buong pagmamahal Niya tayong yayakapin muli sa Kanyang piling.  Napapawalang-bisa ang lahat ng kasalanang bumabalot sa ating pagkatao, sa tuwing bumabalik tayo sa Diyos, sa tuwing pinagsisihan natin ang mga kasalanan at sa tuwing nangangako tayong iiwasan na ang pagkakasala sa hinaharap.  Pero sa kabila ng ating pagiging mahina, at paulit-ulit na pagkakasala – hindi nawawalan ng pag-asa ang Diyos sa atin. Nananatili Siyang matapat sa Kanyang pangakong hihintayin Niya ang ating pagbabalik.  Kapatid, hanggang kailan Mo paghihintayin ang Panginoon?  Napakaiksi ng buhay para sayangin sa bisyo, sa pagpapahirap ng kalooban ng iba, sa paggawa ng kasamaan sa kapwa.  Napakaiksi ng buhay para sayangin sa pagkimkim ng galit at sama ng loob.  Napakaiksi ng buhay para gamitin sa kasakiman at pagpapayaman sa masamang paraan.  Manalangin tayo.  Panginoon, lubos ko pong pinagsisihan ang aking mga kasalanan.  Tulungan Mo po akong gamitin sa kabutihan ang maiksing buhay na hiram lamang.  At Akayin ako sa landas pabalik Sa’yo.  Amen.