Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 6, 2020 – IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO (B)

EBANGHELYO: Mk 1:1-8

Ito ang simula ng Magandang Balita ni Jesukristo, Anak ng Diyos. Nasusulat sa Propeta Isaias: “Ipadadala ko ngayon ang aking sugo na mauuna sa ‘yo para ayusin ang iyong daan. Naririnig ang sigaw sa disyerto: ‘Ihanda ang daan para sa Panginoon, ituwid ang kanyang landas.’” Kaya may nagbibinyag sa disyerto—si Juan—at ipinahahayag niya ang binyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Nagpuntahan sa kanya ang lahat ng taga-Judea at mga naninirahan sa Jerusalem. Inamin nila ang kanilang mga kasalan at bininyagan sila ni Juan sa Ilog Jordan. Nakadamit balahibo ng-kamelyo si Juan at mga balang at pulot-pukyutang –gubat ang kinakain. At ito ang kanyang pangangaral: “Parating na kasunod ko ang gagawa ng higit pa sa akin. Hindi nga ako karapat-dapat yumuko para magkalag ng tali ng kanyang panyapak. Sa tubig ko kayo bininyagan, at sa Espiritu Santo naman niya kayo bibinyagan.”  

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., director ng Biblical apostolate ng Archdiocese ng Manila ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Ngayong Panahon ng Adbiyento, inaanyayahan tayo na baguhin ang ating buhay bilang paghahanda sa pagdating ni Jesus.  Sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo, napakinggan natin kung papaanong nangaral si Juan Bautista tungkol sa kahalagahan ng pagsisisi at pagbabagong-loob. Nais niyang ihanda ang daraanan ng Mesiyas, ang ipinangakong tagapagligtas.  Marami ang nakapakinig sa pangaral ni Juan.  At nang makapakinig, tumalikod sila sa kanilang dating buhay, nagpabinyag at nangakong mamuhay ng maayos hanggang sa pagdating ng Mesiyas.// Kapanalig, handa ka rin bang magsisi at magbago bilang paghahanda sa pagdating ni Hesus? Handa ka bang bigyan ng puwang sa iyong puso ang ating Panginoon?  Kung papaanong hindi na maaari pang buhusan ng tubig ang isang basong puno na, hindi maaaring tanggapin si Hesus ng isang pusong puno ng kasalanan.  Kailangan munang alisin ang laman ng baso upang tumanggap uli ng tubig.  Kailangan linisin ang puso sa kasalanan upang ganap na tanggapin si Hesus sa kanyang pagdating.// Sana sa panahong ito ng Adbiyento, makapagsisi tayo sa ating mga kasalanan at makapagkumpisal. Ito ang pinakamagandang paghahanda para sa Pasko ng Pagsilang ng ating Panginoon.