Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 6, 2021 – LUNES SA IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO | San Nicolas, obispo

Isang mabiyayang araw ng Lunes sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento.  Pasalamatan natin ang Diyos na Mapagkalinga at Mapagmahal.  Kumikilos Siya sa pamamagitan ng mga taong tunay na nagmamalasakit upang maibsan ang paghihirap ng kapwang nangangailangan.  Katulad ng matutunghayan natin sa ebanghelyo ngayon.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Lukas kabanata Lima, talata Labimpito hanggang dalawampu’t anim

EBANGHELYO: Lk 5:17-26

Isang araw, nagtuturo si Jesus at nakaupo naman ang mga Pariseo at mga guro ng Batas na galing sa iba’t ibang bayan ng Galilea at Judea at mula sa Jerusalem. Gumagawa ang kapangyarihan ng Panginoon sa kanya na magpagaling. May mga lalaking dumating na dala sa isang papag ang isang lalaking paralitiko. Sinikap nilang dalhin siya at ilagay sa harapan ni Jesus. Nang hindi nila makita kung paano nila madadala ang paralitiko dahil sa dami ng tao, umakyat sila sa bubungan at sa bubong nila siya idinaan pababa na nasa kanyang papag hanggang sa gitna sa harap ni Jesus. Nang makita niya ang kanilang pananalig, sinabi niya: “Kaibigan, pinatatawad ka sa iyong mga kasalanan.” Nagsimula noong mag-isip-isip ang mga guro ng Batas at mga Pariseo: “Talagang iniinsulto ng taong ito ang Diyos. Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Hindi ba’t ang Diyos lamang?” Ngunit alam ni Jesus ang kanilang mga pag-iisip kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan ninyong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatatawad ka sa iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka’t lumakad.’? Dapat n’yong malaman na may kapangyarihan sa lupa ang Anak ng Tao na magpatawad ng mga kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Sinasabi ko sa iyo: bumangon ka, dalhin ang iyong higaan at umuwi.” Kapagdaka’y tumayo siya sa harap nila, kinuha ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Diyos. Namangha ang lahat at nagpuri sa Diyos. Nasindak nga sila at sinabi: “Nakakita tayo ng mga kagila-gilalas na bagay sa araw na ito!”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Narci Peñaredonda ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo.  (Tunay na makabago na ang ating panahon, mayroon ng work from home, online classes, online shopping dahil sa pandemya at makabagong paraan ng komunikasyon. Sa gitna ng mga makabagong bagay na ito kaya pa ba nating mamangha o ipahayag ang ating awe at wonder sa mga nangyayari sa ating paligid? Ang pagkamangha sa mga nakikita at nararanasan natin ay isang paraan ng pagkilala sa kadakilaan ng Diyos na may gawa ng lahat.) Sa Mabuting Balita ngayon namangha ako at humanga sa malasakit ng mga lalaking nagdala sa isang paralitiko kay Hesus. Ang kanilang pagmamalasakit ay may kasamang gawa. Marami kasi sa atin, nagsasabing nagmamalasakit sa kapwa pero kulang sa gawa.  Humanga ako nang idaan ng mga lalaki sa bubong ng bahay ang paralitiko at sa mismong harapan ni Hesus siya ibinaba upang makita siya at mapagaling ni Hesus. (Sabihin nating sure move ang kanilang ginawa. Nakakamangha ang ipinadamang habag at awa ni Hesus sa paralitiko, ang pagpapatawad niya sa kasalanan nito, pagpapalakad sa kanya at pagbibigay niya sa paralitiko ng bagong pag-asa sa buhay.) Mga kapanalig, ipinapaalala sa atin ng Mabuting Balita na ang paghanga at pagkamangha ay nagpapalalim ng ating pagtitiwala at paniniwala kay Hesus. Ang tunay na pagkamangha ay ipinagkakaloob sa atin ng Espiritu Santo at ang Espiritu ring ito ang pumapatnubay sa atin upang magkaroon tayo ng pagkakataong makagawa tayo ng kabutihan.  

PANALANGIN

Ama naming Makapangyarihan, buksan Mo ang aming mga mata, puso at isip upang kami ay mamangha sa kagandahan ng bawat araw na Iyong ibinibigay. Ipadala Mo ang Banal na Espiritu sa mga taong naapektuhan ng pandemyang Covid 19 at lahat ng frontliners na tumutulong sa kanila.  Pagkalooban mo po sila ng kagalingan, ginhawa at lakas ng kalooban. Amen.