BAGONG UMAGA
Mapayapang araw ng Miyerkules sa unang Linggo ng Adbiyento. Pasalamatan natin ang Diyos sa biyaya ng buhay at kalakasan, at sa mga pagpapalang inilaan Niya sa atin para sa araw na ito. Muli, ihabilin natin sa Kanya, lahat ng mga gawain natin sa buong maghapon, at hilinging pangunahan tayo sa pagtupad ng ating mga tungkulin, at sa mga gagawin nating pagdedesisyon. Ito po muli si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Panawagan sa tunay na diwa ng pagbabahaginan ang hamon sa atin nang nalalapit na Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, at siya ring paalala sa atin ng Mabuting Balita ngayon, ayon kay San Mateo kabanata labinlima, talata dalawamput siyam hanggang tatlumpu’t pito.
EBANGHELYO: Mt 15: 29-37
Pumunta si Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, at pagkaakyat sa burol ay naupo. Maraming tao ang umakyat sa kanya, dala-dala ang mga pipi, bulag, pilay, mga may kapansanan, at mga taong may iba’t ibang karamdaman. Inilagay sila ng mga tao sa paanan ni Jesus, at pinagaling niya sila. Kaya namangha ang lahat nang makita nila na nagsasalita ang mga pipi, lumalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga may kapansanan, at nakakakita ang mga bulag; kaya pinuri nila ang Diyos ng Israel. Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at ayaw kong paalisin silang gutom at baka mahilo sila sa daan.” Sinabi ng mga alagad sa kanya: “At saan naman tayo hahanap ng sapat na tinapay sa ilang na ito para ipakain sa mga taong iyan?” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ilan bang tinapay meron kayo?” Sumagot sila: “Pito at kaunting maliliit na isda.” Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, kinuha niya ang pitong tinapay at ang maliliit na isda, at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga ito at inibigay niya sa kayang mga alagad, at ibinigay rin nila sa mga tao. Kumain silang lahat at nabusog at inipon ang mga natirang pira-piraso—pitong punong bayong.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Narinig natin na nagtungo si Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Galing siya noon sa lupain ng Tiro at Sidon. Bakit mahalaga ang lugar ng Galilea? Dahil sa lugar ng Galilea, panatag ang kalooban ng Panginoong Hesus. Feeling at home siya sa lugar na ito. Dito Siya lumaki, at dito rin nagsimula ang Kanyang ministeryo. Sa Galilea, gumawa ng maraming kababalaghan O milagro ang Panginoong Hesus. Mga kapatid, napakinggan natin sa ating Mabuting Balita, ang milagro ng pagpaparami ng tinapay at maliliit na isda. Totoo, na sa mga salita at kamay ng Panginoong Hesus walang hindi makapangyayari. Ang mga salita Niya ay makapangyarihan, at ang Kanyang mga kamay ay makapapawi ng gutom. Hindi galing kay Hesus ang pitong tinapay at maliliit na isda. Galing ito sa kanyang mga alagad. Pero dahil sa kanilang pagsuko, ng kung ano meron sila, dito naganap ang tinatawag na himala. Mga kapatid, maging daluyan nawa tayo ng himala para sa ating kapwa. Amen.