Daughters of Saint Paul

Disyembre 6, 2024 – Biyernes ng Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

Ebanghelyo: Mt 9:27-31

Sumunod kay Jesus ang dalawang bulag na lalaki na sumisigaw: “Anak ni David, tulungan mo kami!” Pagdating niya sa bahay, inabutan siya ng mga bulag at sinabi ni Jesus sa kanila: “Naniniwala ba kayo na may kapangyarihan ako para gawin ang gusto ninyong mangyari?”  “Oo, Ginoo!” Hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata at sinabi: “Mangyari sa inyo ang inyong paniwala.” At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit naman silang tinagubilinan ni Jesus: “Mag-ingat kayo at huwag sabihin ito kanino man.” Ngunit pagkaalis nila, ipinahayag nila siya sa buong bayan.

Pagninilay:

Sa ating Ebanghelyo ngayon, may dalawang bulag na matagal nang sumusunod kay Hesus. Bagaman wala silang nakikita, marahil ay narinig nila ang mga itinuro ni Hesus. Narinig nila ang pagkamangha ng mga tao nang magpalayas si Hesus ng masamang demonyo at bumuhay ng patay. Bagaman wala silang matang magamit, naging mga mata nila ang kanilang pandinig upang makilala si Hesus.

Maayos man ang ating mga mata at tenga, hindi ito kasiguruduhan na makikita at maririnig natin ang mga kamangha-manghang bagay na ginagawa ng Diyos sa atin sa araw-araw. Puso ang siyang tunay na nakikinig, nakakikita at nakadarama sa Diyos.

Sapagkat naghahari na ang Diyos sa mundo, nasa bawat detalye ng ating buhay ang presensiya ng Diyos. Sa bawat karahasan ng mundo na ating nakikita, naroon ang nagdurusang Diyos. Sa bawat ganda ng bagong umaga, sinasalubong tayo ng Diyos. Sa bawat panaghoy ng mga inaalipusta ng lipunan, tumataghoy ang Diyos sa sakit. Sa bawat iyak ng mga bagong silang na sanggol, naroon ang Diyos na nagdadala ng pag-asa. Sa bawat sugat na ating natamo dahil sa ating pagsasakripisyo sa buhay, nasusugatan din ang Diyos. At sa bawat hapyos ng hangin, ipinadarama ng Diyos ang kanyang kalinga.

Bigyang kahulugan natin ang bawat pangyayari sa ating buhay. Gamitin natin ang ating puso upang makita, marinig, at maramdaman natin ang Diyos na ating sinusundan.

Manalangin tayo. Panginoon, sa bawat sandali ng aking buhay ika’y nariyan. Buksan mo ang mata at pandinig ng aking puso, nang sa gayo’y maging buhay lagi ang aking pag-asa sa’yo. Amen.