Daughters of Saint Paul

Disyembre 7, 2017 Huwebes sa Unang Linggo ng Adbiyento

MATEO 7:21, 24-27

Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Hindi lahat nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon! Ay papasok sa Kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ay siyang papasok sa Kaharian ng Langit. Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At sinu mang nakaririnig sa aking mga salita at hindi nagsagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!”

PAGNINILAY

Sa sinabi ni Jesus sa Ebanghelyo na, “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ papasok sa Kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa Kaharian ng Langit” – nais Niyang ipaalala sa atin na ang pananampalataya, hindi lamang isang pamamaraan ng pagbigkas ng papuri sa ating Panginoon.  Hindi lamang ito personal na pagdarasal, o pagdarasal kasama ang komunidad – kundi ito’y isang pagdarasal na dumadaloy sa tunay na buhay.  Isang pananampalatayang nakikita sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.  Nasusubukan ang pananampalatayang ito sa tuwing nalalagay tayo sa mga sitwasyong kinakailangan nating mamili sa pagitan ng mabuti at masama.  Halimbawa ang pagiging tapat sa timbangan, ang pagsauli ng sobrang sukli, ang pagrespeto sa gamit ng iba, at ang hindi pagsang-ayon at pakikisangkot sa sistema ng pagpatay, korupsyon, kasinungalingan at kabastusan sa salita at pakikitungo sa kapwa. Ilan lamang itong konkretong halimbawa ng pagsabuhay ng pananampalataya. Tunay na ang pagsabuhay ng ating pananampalataya, nangangahulugan ng pagsalungat sa umiiral na kalakaran sa lipunan na taliwas sa kalooban ng Diyos.  Hindi natin ito magagawa sa ganang atin lang.  Kailangan natin ang tulong at lakas na nagmumula sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang buhay na Salita.  Mga kapanalig, pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo na sana’y lahat tayong mga Kristiyano, nakikinig at nagsasagawa ng Salita ng Diyos.  Dahil kung ang isang Kristiyano nakikinig lamang sa Salita ng Diyos at hindi niya ito isinasabuhay, katulad siya ng isang punong walang ugat at hindi mamumunga kailanman.  Panginoon, itulot Mo pong magbunga sa aking buhay pananampalataya at pakikipagkapwa tao ang Iyong Salita na araw-araw kong pinakikinggan at pinagninilayan.  Amen.