EBANGHELYO: Lk 5:17-26
Isang araw, nagtuturo si Jesus at nakaupo naman ang mga Pariseo at mga guro ng Batas na galing sa iba’t ibang bayan ng Galilea at Judea at mula sa Jerusalem. Gumagawa ang kapangyarihan ng Panginoon sa kanya na magpagaling. May mga lalaking dumating na dala sa isang papag ang isang lalaking paralitiko. Sinikap nilang dalhin siya at ilagay sa harapan ni Jesus. Nang hindi nila makita kung paano nila madadala ang paralitiko dahil sa dami ng tao, umakyat sila sa bubungan at sa bubong nila siya idinaan pababa na nasa kanyang papag hanggang sa gitna sa harap ni Jesus. Nang makita niya ang kanilang pananalig, sinabi niya: “Kaibigan, pinatatawad ka sa iyong mga kasalanan.” Nagsimula noong mag-isip-isip ang mga guro ng Batas at mga Pariseo: “Talagang iniinsulto ng taong ito ang Diyos. Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Hindi ba’t ang Diyos lamang?” Ngunit alam ni Jesus ang kanilang mga pag-iisip kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan ninyong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatatawad ka sa iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka’t lumakad.’? Dapat n’yong malaman na may kapangyarihan sa lupa ang Anak ng Tao na magpatawad ng mga kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Sinasabi ko sa iyo: bumangon ka, dalhin ang iyong higaan at umuwi.” Kapagdaka’y tumayo siya sa harap nila, kinuha ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Diyos. Namangha ang lahat at nagpuri sa Diyos. Nasindak nga sila at sinabi: “Nakakita tayo ng mga kagila-gilalas na bagay sa araw na ito!”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Maparaan, madiskarte! Ito ang ilan sa mga katangiang nakita ko sa aking Nanay. Sa dami ng kanyang mga kaibigan, aba’y pwde na syang tumakbong kapitana ng isang baranggay. Dahil madiskarte ang Nanay, siya ang taga utang sa mga kaibigan niya kapag may biglang pangangailangan ang aming pamilya. Sa Ebanghelyo, narinig natin na may mga lalaking dumating, dala sa isang papag ang isang lalaking paralitiko upang pagalingin ni Jesus. Sa palagay ko, sila ay mga kaibigan ng lalaking may sakit. Kapatid, naranasan mo na ba ang tulong ng isang kaibigan? Yong sa oras ng pangangailangan ay karamay mo? Yong sa oras ng kalungkutan ay patatawanin at pasasayahin ka? Sila ay regalo ng Diyos, at salamat sa ating mga kaibigan. Pero, huwag nating kalilimutan na ang kaibigang tunay na tapat at hindi nang-iiwan ay tanging si Jesus. Ituring nating siyang buhay at ganap sa pagtulong. Harinawang, pagpalain ng Diyos ang ating mga kaibigan, karamay sa lahat ng bagay at sa atin ay nagmamahal. Amen. Amen.