Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 7, 2021 – MARTES SA IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO | San Ambrosio, Obispo at pantas ng Iglesya

Mapagpalang araw ng Martes sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento. Ikapito ngayon ng Disyembre, ginugunita natin si San Ambrosio, Obispo at pantas ng simbahan.  Isa s’yang napakasipag at dedikadong pastol, puno ng pagkahabag at pagtulong sa mga nangangailangan nang hindi ikinokompromiso ang kanyang prinsipyo.  (Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin hilingin nating pagkalooban tayo ng pusong mahabagin, nang wag nating susukuang hanapin ang mga taong nawawala o nagwawala.)  Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Mateo kabanata Labingwalo, talata Labindalawa hanggang Labing-apat.   

EBANGHELYO: Mt 18:12-14

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ano sa palagay ninyo? Kung may sandaang tupa  ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit ang mawala ang isa man sa maliliit na ito.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Ms. Daisy Santos ng Institute of our Lady of Annunciation o IOLA ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Narinig natin sa ebanghelyo ang talinghaga ng paghahanap sa isang nawawala at pag-iwan sa siyamnapu’t siyam para hanapin ang isang nawawala. Parang mahirap isipin bakit iiwan ang ninety nine (99) para sa isa? Kung sa negosyo pa, madaling iwan ang isa kasi mas malaki ang kita sa ninety nine (99). Parang hindi logical, parang hindi tama. Marahil sa ating isip, sayang naman ang siyamnapu’t siyam kung dahil lamang sa isa ay iiwan natin.//  Pero sa puso ng Diyos ang isa ay napakahalaga. Dahil ang isa na tinutukoy sa ebanghelyo ay ang bawat isa sa atin. Ang bawat isa sa atin na patuloy na nawawala sa landas ng buhay dahil sa ating takot, galit, mga alalahanin at marami pang iba. Madalas tayo ay nawawala sa piling ng Diyos dahil sa ating katigasan ng ulo, ang pagpupumilit na maging independent sa Panginoon. Pero patuloy nya tayong hinahanap at inaanyayahang bumalik sa kanya.// Ang pagmamahal ng Diyos ay naayon sa pangangailangan ng bawat isa sa atin. Naalala ko ang aking Inang noong nabubuhay pa sya. Tinatanong ko sya bakit parang paborito nya ang isa kong kuya. Pag nanghingi sa kanya ay lagi nya itong binibigyan. Ang sagot nya sa akin, “ang pagmamahal ng ina ay naayon sa pangangailangan ng minamahal.” Tunay nga naman na bibigyan nya ang kuya ko na iyon kasi mas higit itong nangangailangan.// Hindi dahil hindi mahalaga ang siyamnapu’t siyam na hindi nawawala kundi dahil ayaw ng Diyos na may mapawalay sa kanya. Ayaw ng Diyos na mapalayo tayo sa kanya.// Mga kapatid, sa ating pang araw-araw na buhay, paano natin pinahahalagahan ang mga taong nakikita nating nawawala o nagwawala? Marahil ngayong panahon ng pandemic, marami ang nawawalan ng pag-asa dahil sa kawalan ng trabaho, at patuloy na hirap sa buhay, nawa kagaya ng pagpapahalaga sa atin ng Panginoon, ganun din natin pahalagahan ang isa’t isa, higit sa lahat ang mga taong malalapit sa atin, ang ating pamilya, mga kaibigan, ka trabaho at ang mga taong alam nating higit na nangangailangan.