BAGONG UMAGA
Mapagpalayang araw ng Huwebes sa Unang Linggo ng Adbiyento. Purihin ang Panginoon sa Kanyang walang-hanggang paglingap at pagmamahal. Hangad nga lagi ng Diyos na tayo’y maligtas sa kasalanan at walang hanggang kapahamakan. Kaya patuloy ang pagpapaalala Niya sa atin na huwag maging mababaw at pakitang-tao lamang ang ating pananampalataya, kundi seryosohin ang pagsabuhay nito. Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang pahayag ng Panginoong Hesus na hindi lahat ng tumatawag sa kanya ng Panginoon, Panginoon, ay papasok sa Kaharian ng langit, sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo Kabanata pito, talata dalawampu’t isa, at talata dalawampu’t apat hanggang dalawampu’t pito.
EBANGHELYO: Mt 7:21, 24-27
Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa Kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ay siyang papasok sa Kaharian ng Langit. Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At sinumang nakaririnig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Cl. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Napakagandang marinig ang mga salita ni Propeta Isaias sa ating Unang Pagbasa—Hinihikayat tayong patuloy na manalig at magtiwala sa Diyos. Ang taong patuloy na nananalig at nagtitiwala sa Kanya—Kapayapaan ang tiyak niyang gantimpala. Sa ating Ebanghelyo ngayong araw, pareho ang tinuran ni Propeta Isaias at ng ating Panginoong Hesus—manalig at gawin ang kalooban ng Diyos. Magtiwala sa kanyang mabuting kalooban. May expression po tayong mga pinoy ukol diyan. “‘Naku sana ikaw ang manalo, malaki ang tyansa mo.” “Sana matanggap ka na sa dream job mo, o dream university mo.” Ano ang kadalasan nating sagot sa mga ganitong statements? “Kung loloobin ng Diyos!” God willing! Matapos ang ating effort, ang mas masunod nawa ay ang kalooban ng Diyos. Kaya nga po, ang kadalasang dahilan ng ating anxiety at stress? Yung kapag gusto natin kontrolin lahat. Wala naman pong masama dun, if it is within the reach of what we can do, and control. Isa-isip nawa lagi natin na ang kalooban ng Diyos ay laging mabuti—kapayapaan ang hatid, at sa ating Ebanghelyo sinasabi—kaligtasan, kaharian ng Diyos ang gantimpala. Mga kapatid, ngayong panahon ng Adbiyento, magandang balikan at pagnilayan ang ilang natatanging karakter ng Pasko—Si Maria, Jose, Zacarias, at Elizabeth—they let go of the things they cannot control and trusted the will of the Father. Kaya nga’t ganap sa kanilang buhay ang gantimpala’t pangako ng Diyos—kapayapaan at kaligtasan!