Daughters of Saint Paul

Disyembre 7, 2024 – Sabado | San Ambrosio, obispo at pantas ng Simbahan

Ebanghelyo: Mt 9:35—10:1, 5a, 6-8

Nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinanoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa Panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.” Tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Ibigay ninyo nang walang bayad ang tinanggap ninyo nang walang bayad.” 

Pagninilay:

Malayo-layo ang nilakad ng mga taong lumapit kay Jesus. Pagod na sila, gutom, at mga maysakit. Naawa si Jesus, kaya pinagaling ang kanilang mga karamdaman at ipinahayag niya sa kanila ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Madali namang magagawa iyon ni Jesus nang mag-isa, ngunit hindi ganon ang ginawa niya. Humingi siya ng tulong sa kanyang mga apostol. Binigyan niya sila ng kapangyarihan laban sa masasamang espiritu, magpagaling ng mga may sakit, at sinugo niya sila upang mangaral.

Kasama pa rin natin sa ating paglalakbay si Jesus. Tinitingnan niya nang may habag ang mga dukha, mga nagugutom, mga biktima ng digmaan at karahasan, mga may sakit. Gaya noon, isinusugo din niya ngayon ang kanyang mga alagad upang ipahayag ang Mabuting Balita. Sino ang mga alagad na ito? Kapanalig, hindi ba sumagi sa isip mo na isa ka sa mga alagad na isinusugo ni Hesus ngayon? Maaari mong sabihin: “Sino? Ako? Hindi pwede! Ayaw kong maging pari, relihiyoso, o church worker! Hindi ko feel na isinusugo ako ni Lord.”

Kapanalig, sa pamamagitan ng binyag, naging anak tayo ng Diyos at nakikibahagi tayo sa misyon ni Hesus. Lahat tayo ay may misyon na ipahayag ang Kaharian ayon sa karisma ng bawat isa. Sa Katawan ni Kristo, sabi ni San Pablo, marami ang mga karisma ngunit lahat ay itinalaga upang itayo ang Katawan: ang iba ay itinalagang mga apostol, ang iba ay mga guro, o mga manggagamot, o katulong, o mga tagapangasiwa, at iba pa. Anuman ang ating hanapbuhay, kung iaalay natin ito sa Diyos, at gagampanan ito sa diwa ng paglilingkod, natutupad natin ang ating misyon. Ganyan natin ipinapahayag ang ebanghelyo – kung saan tayo nagtatrabaho.

Oo, kapanalig, bawat isa sa atin ay tinatawag at ipinapadala. Isang malaking pribilehiyo ito – ang maging lingkod ng Hari! Sa katapusan ng ating buhay, kapag masasabi nating, “mission accomplished” sasalubungin tayo ng Panginoon ng: “Maligayang pagdating sa aking Kaharian!” at madarama natin ang kasiyahang walang hanggan.

Manalangin tayo: “Panginoon, bigyan mo kami ng lakas ng loob na tanggapin ang aming misyon at gawin ito nang mabuti dahil sa pagmamahal sa Iyo.” Amen.