Daughters of Saint Paul

Disyembre 9, 2016 – BIYERNES Ikalawang Linggo ng Adbiyento / San Juan Diego Cuauhtlatoazin, ermitanyo

Mt 11:16-19

Sinabi ni Jesus sa mga tao:” Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan? Para silang mga batang nakaupo sa mga plasa at nagkakantahan, at nagrereklamo ang ilan sa kanila:  'Tinugtog namin ang plauta para sa inyo pero ayaw n'yong sumayaw, at nang umawit naman kami ng malungkot na awit, ayaw n'yo rin namang umiyak!'

            Ganito rin ang nangyari: Dumating muna si Juan na nag-aayuno, at sabi ng mga tao: Inaalihan siya ng demonyo.' At saka dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi ng mga tao: 'Lasenggo at matakaw, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan!' Gayon pa man, magaling ang karunungan ng Diyos sa mga gawa nito.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, binigyang-diin sa Ebanghelyong ating narinig na tunay ngang napaka-kumplikado na ng tao.  Tila hindi na masakyan ng Panginoon kung ano ba talaga ang gusto natin.  Ang mga mapuputi, nagbibilad sa araw para maging tan o kayumanggi.  Ang mga kayumanggi naman, kung anu-ano ang inaaplay sa mukha at katawan para lamang pumuti.  Ang mga kulot ang buhok, nagpapatuwid –  at ang mga tuwid naman ang buhok nagpapakulot.  Noong panahon ng tag-init, todo ang dasal natin para umulan; at pagdating naman ng tag-ulan todo pa rin ang dasal para sumikat na ang araw.  Hindi nalalayo ang mga paghahalintulad na ito sa Ebanghelyong narinig natin.  ‘Tinutugtog namin ang plauta para sa inyo pero ayaw n’yong sumayaw, at ng umawit naman kami ng malungkot na awit, ayaw n’yo rin namang umiyak.’  Mga kapatid, anong mensahe ang nais iparating ng Panginoon sa pagbasang ito.  Una, nais Niyang makuntento tayo sa likas na kagandahan at talentong tinanggap natin sa Kanya.  Maaari nating pagyamanin ang mga talento para sa ating ikauunlad bilang tao – na kalugod-lugod sa Diyos at sa kapwa.  Pero huwag na tayong mag-aksaya ng katakot-takot na pera sa pagpaparetoke ng ating hitsura.  Dahil kapag tumanda tayo kukulubot din iyan, at maaagnas sa oras ng kamatayan.  Sa halip na panlabas na pagpapaganda ang ating atupagin, gamitin na lamang sa pagkakawanggawa sa kapwa ang labis sa perang naipon natin. Ibayong gantimpala pa sa Langit ang makakamtan natin.  Ikalawa, maging bukas tayo sa kalooban ng Diyos at kilalanin Siya bilang Diyos ng ating buhay.  Huwag natin Siyang didiktahan kung ano ang dapat gawin sa atin.  Sa halip maging bukas at mapagpakumbaba tayong tanggapin anuman ang Kanyang kalooban sa atin.  Panginoon, tulungan Mo po akong lumago sa makalangit na karunungan, nang lagi kong paghandaan ang pagkamit ng buhay na walang hanggan.   Amen.