Daughters of Saint Paul

Disyembre 9, 2017 Sabado sa Unang Linggo ng Adbiyento

MATEO 9:35-10:1, 5a, 6-8

Nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinanoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng mga sakit at karamdaman. Nang makita niya ang mga makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin n’yo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng manggagawa sa kanyang ani.” Tinawag ni Jesus ang labingdalawa alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hanapin n’yo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mayketong at palayasin ang mga demonyo. Ibigay n’yo nang walang bayad ang tinanggap n’yo nang walang bayad.” 

PAGNINILAY

Mga kapanalig, awa ang agad na naramdaman ni Jesus sa ebanghelyo ngayon dahil sa nasaksihang bilang ng mga taong uhaw sa kanyang mga turo. Ang eksenang ito ang siya ring nagtulak sa Kanya na mag-utos para manalangin sa “Panginoon ng ani para magpadala Siya ng mga manggagawa sa Kanyang ani.” Isang patunay na sadyang mahalaga ang panalangin sa pagbibigay ng kasagutan sa krisis ng bokasyon na hinaharap ng ating simbahan. Bukod pa dito, ang panalangin din ang nagsisisilbing pinakamahalagang sandata ng mga napiling manggagawa upang sila’y patuloy na maging tapat sa kanilang sinumpaang buhay.  Sa panahon natin ngayon, tila kakaunti na lamang sa mga kabataan ang interesadong manglingkod sa Diyos at sa kapwa bilang pari, madre o lay missionaries.  Bakit kaya?  Ilan sa mga dahilan ang paghina ng pagsabuhay ng pananampalataya sa loob ng pamilya; ang pagbagsak ng moralidad dulot ng masamang epekto ng media at internet; ang kahirapan na naghahadlang sa maraming anak na tumugon dahil mas kailangan sila ng pamilya, at ang mga makamundong pagpapahalaga na mas kaakit-akit sa pananaw ng mga kabataan.  Sa kabila nito, huwag tayong mawawalan ng pag-asa sa Panginoon ng Ani na hipuin ang puso ng maraming kabataan na tumugon sa tawag ng paglilingkod.  At bilang mga binyagang Kristiyano, tayo din tinatawagang sundin ang kalooban ng Diyos anuman ang estado natin sa buhay.