Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 9, 2021 – HUWEBES SA IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO | San Juan Diego Cuauhtlatoatzin, ermitanyo

Isang pinagpalang araw ng Huwebes sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento.  Pasalamatan natin ang Diyos sa pagkaloob sa atin ng kakayahang makinig at umunawa sa mensaheng ating narinig.  Nawa’y gamitin natin ang kakayahang ito upang lumago sa ating pagkakakilala sa Panginoong Hesus at maibahagi Siya sa iba sa pamamagitan ng ating pagsaksi sa salita at gawa na tunay siyang buhay at nananahan sa ating piling.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Mateo kabanata Labing-isa, talata Labing-isa hanggang Labinlima.

EBANGHELYO: Mt 11:11-15

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Talagang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman sa mga kilalang tao ngayon ang mas dakila pa kay Juang tagapagbinyag, pero mas dakila sa kanya ang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Mula sa panahon ni Juan Bautista hanggang ngayon, ang Kaharian ng Langit ay marahas na sumusulong at mga maylakas ang silang umaagaw nito. “Pagpopropesiya nga lamang ang panahon ng Mga Propeta at ng Batas hanggang kay Juan. At kung gusto ninyo itong tanggapin, si Juan ang Elias na darating. Makinig ang may tainga.”

PAGNINILAY

                        “Makinig Ang May Pandinig

Isinulat ni Siony Japzon Ramos ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa ebanghelyo.  Maingay ang ating kapaligiran, marami ang ating naririnig sa social media, sa mga taong nakapaligid sa atin at mismong sa ating sarili, lalong lalo na ngayong nalalapit na ang kapaskuhan at eleksyon. Ano nga ba ang dapat pakingggan, paniwalaan at higit sa lahat panghandaan natin, sa kapanahunan ng Adbiyento? Sa ebanghelyong ating narinig, sinabi ni Hesus, na si Juan Bautista ang pinakadakila sa mga propeta, pero ang pinaka maliit sa langit ay mas higit na dakila pa sa kanya. Ipinakikilala na ni Hesus, na Siya na nga ang hinihintay na Mesiyas na ipinangaral ni Juan Bautista at mga propeta. Sa pakikinig, mahalaga na bukas ang tainga, at higit sa lahat bukas din ang tainga ng ating mga puso. Ipinangaral ni Juan Bautista at ni Hesus ang pagsisisi at pag-babalik loob sa Diyos, pero hindi ito pinakinggan ng mga tao, at hindi rin tayo naiiba sa kanila. Kung narinig at naunawaan natin ang mensahe dapat may kasabay na aksiyon ng pagbabago ng sarili. Ang tahasang desisyon na baguhin ang sarili patungo sa kabanalan para mapabilang sa kaharian ng Diyos. May mga taong ipinapadala ang Diyos para magbigay mensahe at mag-akay sa atin patungo sa Kanya. Mga taong ating nakakasalamuha sa ating araw-araw na pamumuhay. Minsan ang mensahe ay galing sa isang batang musmos, na kadalasan hindi natin nabibigyang pansin. Tungkulin din natin na mag-akay ng iba patungo sa Diyos. Mga kapatid, tunay na magka-kaugnay ang ating buhay bilang Kristiyano. Bukas ba ang tainga ng iyong puso sa ipinahayag si Hesus? Nalalapit na ang kapaskuhan, ano sa palagay mo ang gusto ng Panginoon na paghandaan mo at magandang regalong maiaalay mo kay Hesus? 

PANALANGIN

Panginoon bigyan Mo po ako ng tainga na marunong makinig, sumunod, at higit sa lahat isang pusong bukas ang tainga ng pang-unawa upang tumugon. Amen.