Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 9, 2023 – SABADO SA UNANG LINGGO NG ADBIYENTO  |  San Juan diego Cuauhtlatoatzin, ermitanyo

BAGONG UMAGA

Maligayang araw ng Sabado sa Unang Linggo ng Adbiyento!  Purihin ang Panginoon ng masaganang ani!  Idalangin natin sa Kanya na magpadala ng marami pang manggagawa sa Kanyang ubasan/ na kakalinga at aakay sa Kanyang kawan/ na tahakin ang landas ng kabanalan sa araw-araw na pamumuhay.  Hipuin nawa ng Panginoon ng ani, ang puso ng marami nating kabataan na mag-alay ng sarili sa gawaing paglilingkod sa Diyos at sa kapwa.  Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata siyam, talata tatlumpu’t lima hanggang kabanata sampu talata isa, lima, anim hanggang walo.

EBANGHELYO: Mt 9:35-10:1, 5a :6-8

Nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinanoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin n’yo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng manggagawa sa kanyang ani.” Tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hanapin n’yo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mayketong at palayasin ang mga demonyo. Ibigay n’yo nang walang bayad ang tinanggap n’yo nang walang bayad.”  

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., Director ng Biblical Apostolate ng Archdiocese of Manila ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Sa ating Mabuting Balita, narinig natin ang Panginoong Hesus na naglalakbay, nagtuturo, at nagpapagaling ng mga may sakit. Ito’y isang malinaw na larawan ng Kanyang pagmamahal at paglilingkod sa mga nangangailangan. Si Hesus ay hindi lamang isang guro o manggagamot; Siya ay ang Tagapagligtas at modelo ng kabutihang-loob. Ipinakita Niya sa atin ang halaga ng pagmamahal sa ating kapwa, lalo na sa mga nangangailangan. Sinabi niya sa mga alagad: “Napakaraming aanihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala ng mga mag-aani.” Mga kapatid, baka tayo na ang tugon sa panalanging ito! Tayo ang mga mag-aani na nais ipadala ng Diyos.  Ang Adbiyento ay panahon upang tingnan ang ating mga buhay at suriin kung paano tayo makakatulong sa mga nangangailangan. Ang munting hakbang na ito ay maaaring magdala ng malalim na kahulugan sa ating paghahanda para sa pagdating ng Panginoon.