Daughters of Saint Paul

Disyenbre 11, 2016 LINGGO Ikatlong Linggo ng Adbiyento

Mt 11:2-11

Nang nasa kulungan si Juan Bautista, nabalitaan niya ang mga ginagawa ni Kristo kaya pinapunta niya ang kanyang mga alagad para tanungin siya: “Ikaw ba ang darating  o dapat bang maghintay pa kami ng iba?”

            Sumagot si Jesus sa kanila: “Bumalik kayo at ibalita kay Juan ang inyong narinig at nakita: “Nakakakita ang nga bulag, nakakalakad ang mga pilay, lumilinis ang mga mayketong, nakakarinig ang mga bingi, nagigising ang mga patay at may mabuting balitang ipinahahayag sa mga dukha.' At mapalad ang hindi natitisod dahil sa akin.”

            Pagkaalis ng mga sugo ni Juan, nagsimulang magsalita si Jesus sa nga tao tungkol kay Juan: “Ano ang pinuntahan n'yo sa disyerto para makita? Isang kawayang hinahampas-hampas ng hangin? Totoo. At sinasabi ko na higit pa siya sa isang propeta. Siya ang binabanggit sa Kasulatan: 'Pinauna ko sa iyo ang aking mensahero upang ihanda ang daan sa harap mo.'

            “Talagang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman sa mga kilalang tao ngayon ang mas dakila pa kay Juang tagapagbinyag pero mas dakila sa kanya ang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit.”

PAGNINILAY

Pagdududa, yan ang naramdaman ni Juan sa Ebanghelyong ating narinig. Habang nasa kulungan, marami na siyang narinig na mga magagandang bagay tungkol kay Jesus pero hindi pa rin siya sigurado kung Siya na nga ang Mesiyas. Kaya’t inutusan niya ang kanyang mga alagad na tanungin si Jesus kung Siya na nga ba ang Mesiyas na matagal na nilang hinihintay at hinahanap. Hindi man direktahang sinagot ni Jesus ang kanilang tanong, sinagot naman Niya ito nang may katiyakan, na pumawi sa kanilang mga pagdududa’t-pagkabahala. Nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, lumilinis ang mga may ketong, nakaririnig ang mga bingi, nagigising ang mga patay at may mabuting balitang ipinahahayag sa mga dukha.  Kapatid, sa dinami-daming biyayang tinatanggap Mo sa Diyos araw-araw – nagdududa ka pa rin ba na kasa-kasama mo siya sa lahat ng panahon at pagkakataon sa’yong buhay?  Nagdududa ka pa rin bang mahal ka Niya?  Kaya nga’t nagpapakababa Siya at niyakap ang ating pagiging tao para patunayan ang dakilang pagmamahal na ito.  Manalangin tayo.  Panginoon, dagdagan Mo po ang aking pananampalataya nang madama ko ang Iyong pagmamahal at mahiwagang pagkilos sa aking buhay.  Amen.