Mt 1:1-17
Ito ang libro ng pinagmulan ni Jesucristo, anak ni David at anak na Abraham.
Si Abrahan ang ama ni Isaac, si Isaac ang ama ni Jacob, si Jacob ang ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid….
Si Jese ang ama ni David na hari. Si David ang ama ni Solomon, at ang naging maybahay ni Urias ang kanyang ina.
Si Solomon ang ama ni Rehoboam na ama ni Abias, at sumunod naman ang mga haring sina Asa, Yosafat, Yoram, Ocias, Yoatan, Ahaz, Ezekias, Manases, Amon at Yosias.
Si Yosias ang ama ni Yekonias at ng kanyang mga kapatid, sa panahon ng pagkatapon sa Babilonia.
Pagkatapos naman ng pagkatapon sa Babilonia—si Yekonias ang ama ni Salatiel na ama ni Zorobabel.
Si Zorobabel ang ama ni Abiud, si Abiud ni Eliakim, at si Eliakim ni Azor. Si Azor ang ama ni Sadok, si Sadok ni Akim, at si Akim ni Eliud. Si Eliud ang ama ni Eliazar, si Eliazar ni Matan at si Matan ni Jacob.
Si Jacob ang ama ni Jose—ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo.
Kaya may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David at labing-apat mula kay David hanggang sa pagkatapon sa Babilonia at labing-apat din hanggang kay Kristo.
PAGNINILAY
Mga kapatid, isang kahanga-hangang katangian nating mga Filipino ang mataas na pagpapahalaga sa pamilya. Hindi natin nalilimutang ipagdiwang ang kaarawan ng bawat miyembro ng pamilya kahit sa simpleng paraan lamang. Marami ding mga okasyon na nagkakatipon-tipon tayo – tulad ng pasko, binyag, kasal, graduation, piyesta, All Saint’s at All souls day at marami pang iba. Meron din tayong regular family reunions para sa pagkakakilanlan ng magkakamag-anak, at para hindi maputol ang ugnayan ng salinlahi. Magandang kaugalian itong nagbubuklod sa atin na nagpapalalim ng samahan ng kamag-anakan. Sa Ebanghelyong narinig natin ngayon, ipinakilala sa atin ang angkang pinagmulan ni Jesus mula kay Abraham hanggang kay Jose. Patunay lamang ito na tunay Siyang naging tao, at naging katulad natin sa lahat ng bagay – maliban sa kasalanan. Katulad natin, hindi rin perpekto ang angkang Kanyang pinanggalingan – may mga ninuno siyang mabubuti, meron ding masasama, may mahirap at may mayaman, kilala at di kilala. Pumasok Siya sa ating kasaysayan bilang tunay na tao para isakatuparan ang planong pagliligtas ng Diyos Ama. Pasalamatan natin ang Panginoong Jesus sa Kanyang kababaang-loob na yakapin ang pagiging tao at maging kaisa natin upang iligtas tayo sa kasalanan at walang hanggang kapahamakan.
