Luke 2:16-21
Nagmamadaling pumunta ang mga pastol sa Betlehem at natagpuan nila si Maria at si Jose at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Pagkakita rito, pinatotohanan nila ang pahayag na binigkas sa kanila tungkol sa batang ito. Namangha rin ang mga nakarinig sa mga sinasabi ng pastol sa kanila.
Iningatan naman ni Maria ang mga ito at pinagnilay-nilay sa kanyang puso. Umuwi ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil nakita nila ang lahat ng kanilang narinig ayon sa ipinasabi sa kanila.
Pagsapit ng ikawalong araw, kailangan nang tuliin ang bata; noon siya pinangalanang Jesus, ang itinawag sa kanya ng angel bago pa siya ipinaglihi.
PAGNINILAY
Mga kapatid, sa unang araw ng Taon ipinagdiriwang ng Simbahan ang tatlong mahahalagang okasyon. Una, patuloy nating ipinagdiriwang ang Kapanganakan ni Jesus. Ikalawa, ipinagdiriwang natin ngayon ang Dakilang Kapistahan ni Maria, bilang Ina ng Diyos. At ang pangatlo, itinalaga ni Pope Paul VI ang araw na ito, bilang araw ng pagninilay sa pandaigdigang kapayapaan. Sa pagsisimula ng bagong taon, tunay na napakapalad nating mga Katolikong Kristiyano, na ipagdiwang ang pangunahing kayamanan ng ating pananampalataya – si Jesus bilang sentro ng ating pinananaligan; ang puso ng pagdiriwang natin ngayon. Sa pagdiriwang natin ng Dakilang Kapistahan ni Maria, magandang pagnilayan ang kanyang pagiging Ina ni Jesus – ang Anak ng Diyos at Anak ng Tao. Dahil sa kanyang pagtupad sa tipan sa pagitan ng Diyos at tao, naging mga inampong anak tayo ng Diyos. Si Maria ang gumagabay sa atin patungo kay Jesus. Siya ang nagpakita sa atin kay Jesus, at si Jesus naman ang nagbunyag sa atin sa Ama. At bilang Ikalimampung pandaigdigang araw ng kapayapaan, sama-sama nating idalangin sa Diyos na pagkalooban tayo ng mapayapang mundo. Hipuin ang puso ng mga taong naghahasik ng kaguluhan at pagkakawatak-watak; at maghari nawa ang pagkakaisa at paggalang sa kabila ng pagkakaiba-iba ng relihiyon, ideolohiya at pinahahalagahan. Panginoon, sa tulong-panalangin ng Mahal na Birheng Maria, nagsusumamo po kami na maghari ang kapayapaan sa aming puso, sa aming bansa at sa buong mundo. Amen.