Daughters of Saint Paul

ENERO 1, 2021 – BIYERNES Bagong Taon – Dakilang Kapistahan Ni Maria, Ina Ng Diyos

EBANGHELYOLk 2:16-21

Nagmamadaling pumunta ang mga pastol   at natagpuan nila si Maria at si Jose at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Pagkakita rito, pinatotohanan nila ang pahayag na binigkas sa kanila tungkol sa batang ito. Namangha rin ang mga nakarinig sa mga sinasabi ng pastol sa kanila. Iningatan naman ni Maria ang mga ito at pinagnilay-nilay sa kanyang puso. Umuwi ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil nakita nila ang lahat ng kanilang narinig ayon sa ipinasabi sa kanila. Pagsapit ng ikawalong araw, kailangan nang tuliin ang bata; noon pinangalanan siyang Jesus, ang itinawag sa kanya ng anghel bago pa siya ipinaglihi.

PAGNINILAY

Ang sanggol na si Jesus ang sentro ng ating pagninilay mula pa noong araw ng Pasko.  Ngayong unang araw ng Bagong Taon, binibigyan natin ng tanging parangal si Maria, ang Ina ni Jesus, bilang Ina ng Diyos. Ang unang araw ng Bagong Taon ay hudyat ng bagong simula! Ang pagiging Ina ni Maria ay hudyat din ng bagong simula para sa sangkatauhan. Naging tao ang Diyos at nakipamayan sa atin sa pamamagitan ni Maria. Sa kabila ng ating mga kahinaan, sinamahan tayo ng Diyos at habang narito siya sa daigdig, naghatid siya ng pagliligtas at pag-asa sa buhay ng tao. Mga kapatid, kung nagpasya ang Diyos na makisangkot sa buhay natin, di ba nangangahulugan ito na ang buhay natin, punong-puno ng pag-asa? Dahil kung hindi gayon, hindi na sana nagtiyagang pumarito si Jesus sa daigdig. Sa unang araw ng Bagong Taon 2021, mapuspos nawa ng pag-asa ang ating puso na matatapos din ang pandemyang ating pinagdadaanan at mapapanibago ang mundo sa panahong itinakda ng Diyos. In God’s time, He will make all things beautiful. Ito ang panghawakan natin sa pagpasok ng Bagong Taon.  Magkaroon nawa tayo ng bagong pananaw sa buhay, pananaw na itinuro sa’tin ng pandemya kung ano ang tunay na mahalaga sa buhay: ang ating pananampalataya sa Diyos, ang ating pamilya, ang ating kalusugan, ang ating pagmamalasakitan at pagtutulungan, ang paggalang sa Inang kalikasan at iba pa. Sa kabila ng kadilimang ating nararanasan, masilip pa rin natin ang kagandahan ng buhay na pinahiram sa’tin ng Diyos. Magagawa natin ito kung tutularan natin si Maria na pinagbulay-bulayan sa kanyang puso ang mga nangyayari sa kanyang buhay. Di man natin lubos na maunawaan ang mga nangyayari sa atin ngayon, lubos nating ipagkatiwala sa Diyos ang hiram nating buhay at ang ating kinabukasan. Amen. 

PANALANGIN

Panginoon, ikaw na po ang bahala sa akin sa buong Taon 2021. Nananalig po ako na hindi mo ako susubukin nang higit sa aking makakaya. Bagkus sa bawat pagsubok na hinahayaan mong mangyari, may kaakibat itong grasya upang malagpasan ko ito. Isinusuko ko po sa’yo ang aking sarili, at ang buo kong pamilya, pagkaingatan Mo po kami, gabayan, at pagkalooban ng pang araw-araw naming pangangailangan. Amen.