Happy New Year 2022 sa ating lahat! Purihi’t pasalamatan natin ang Diyos sa napakaraming biyaya at pagpapalang tinanggap natin sa nagdaang taon. Lalo na ang biyayang buhay pa tayo hanggang sa sandaling ito sa gitna ng pandemyang kumitil na ng maraming buhay. Kaya ihabilin natin sa Panginoon ang bagong taon sa ating buhay sampu ng ating pamilya, at hilinging basbasan ito, gabayan at pagpalain; iadya sa kapahamakan lalo na sa nakamamatay na sakit. Gamitin nawa tayo ng Panginoon ayon sa Kanyang layunin. Dakilang Kapistahan din ngayon ng ating Mahal na Inang si Maria, bilang Ina ng Diyos, at Pandaigdigang Araw ng Panalangin para sa Kapayapaan. (Isang mainit na pagbati po ng happy-happy birthday sa lahat ng nagdiriwang ng kaarawan ngayon at sa buong buwan ng Enero. Pagpalain nawa ng Panginoon ang bagong taon sayong buhay!) Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Lukas kabanata dalawa talata Labing-anim hanggang dalawampu’t isa.
EBANGHELYO: Lk 2:16-21
Nagmamadaling pumunta ang mga pastol sa Betlehem at natagpuan nila si Maria at si Jose at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Pagkakita rito, pinatotohanan nila ang pahayag na binigkas sa kanila tungkol sa batang ito. Namangha rin ang mga nakarinig sa mga sinasabi ng pastol sa kanila.Iningatan naman ni Maria ang mga ito at pinagnilay-nilay sa kanyang puso. Umuwi ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil nakita nila ang lahat ng kanilang narinig ayon sa ipinasabi sa kanila. Pagsapit ng ikawalong araw, kailangan nang tuliin ang bata; noon siya pinangalanang Jesus, ang itinawag sa kanya ng angel bago pa siya ipinaglihi.
PAGNINILAY
Tatlong mahahalagang okasyon ang ipinagdiriwang ng Inang Simbahan sa unang araw ng bagong taon. Una, patuloy nating ipinagdiriwang ang Kapanganakan ni Hesus. Pangalawa, Dakilang Kapistahan ngayon ni Maria, bilang Ina ng Diyos. At ang pangatlo, Ika-limampu’t limang Pandaigdigang araw ngayon ng Panalangin para sa kapayapaan. Sa pagsisimula ng bagong taon, tunay na napakapalad nating mga Katolikong Kristiyano, na ipagdiwang ang pangunahing kayamanan ng ating pananampalataya – si Hesus bilang sentro ng ating pinananaligan; ang puso ng pagdiriwang natin ngayon. Sa pagdiriwang natin ng Dakilang Kapistahan ni Maria, magandang pagnilayan ang kanyang pagiging Ina ni Hesus – ang Anak ng Diyos at Anak ng Tao. Dahil sa kanyang pagtupad sa tipan sa pagitan ng Diyos at tao, naging mga inampong anak tayo ng Diyos. Si Maria ang gumagabay sa atin patungo kay Hesus. Siya ang nagpakita sa atin kay Hesus, at si Hesus naman ang nagbunyag sa atin sa Ama. Sa pagdiriwang natin ng ika-limampu’t limang pandaigdigang araw ng panalangin para sa kapayapaan, sama-sama nating idulog sa Diyos/ sa tulong panalangin ng Mahal na Birheng Maria na tuluyan nang hilumin ang buong mundo sa sakit na covid at variants nito, at pagkalooban tayo ng mapayapang mundo. Ganundin, idalangin natin ang isang malinis, mapayapa at makatotohanang pambansang halalan sa darating ng May 9, 2022. Pagkalooban nawa tayo ng Diyos ng mga pinunong tunay na servant-leaders. Amen.