BAGONG UMAGA
Maligaya at Masaganang Bagong Taon 2024 ang aming mainit na pagbati, mula sa mga madre ng Daughters of St. Paul at ng himpilang ito! Purihi’t pasalamatan natin ang Diyos sa napakaraming biyaya at pagpapalang tinanggap natin sa nagdaang taon/ lalo na ang biyayang marating ang bagon taon sa ating buhay. Muli nating ihabilin sa kamay ng Panginoon ang Bagong Taon 2024, nang pakabanalin natin ang bawat sandali sa paggawa ng mabuti, para sa Kanyang kapurihan. Dakilang Kapistahan ngayon ni Maria bilang Ina ng Diyos, at Pandaigdigang Araw ng Kapayapaan. Sa tulong panalangin ng Mahal na Birheng Maria, idalangin natin sa Diyos ang mga bansang nakararanas ng digmaan, lalo na ang mga bansang Israel at Gaza, Ukraine at Russia; Nawa’y mawakasan na ang nagpapatuloy na digmaan, na kumitil na ng maraming buhay/ at naging sanhi ng sobrang paghihirap ng mga mamamayan. Ganundin, kapayapaan sa mga pamilyang may hidwaan at nag aaway-away – hilumin nawa ng Panginoon ang kanilang sugatang puso at matutong magpatawad. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata dalawa talata Labing-anim hanggang dalawampu’t isa.
EBANGHELYO: Lucas 2:16-21
Nagmamadaling pumunta ang mga pastol sa Betlehem at natagpuan nila si Maria at si Jose at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Pagkakita rito, pinatotohanan nila ang pahayag na binigkas sa kanila tungkol sa batang ito. Namangha rin ang mga nakarinig sa mga sinasabi ng pastol sa kanila.Iningatan naman ni Maria ang mga ito at pinagnilay-nilay sa kanyang puso. Umuwi ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil nakita nila ang lahat ng kanilang narinig ayon sa ipinasabi sa kanila. Pagsapit ng ikawalong araw, kailangan nang tuliin ang bata; noon siya pinangalanang Hesus, ang itinawag sa kanya ng angel bago pa siya ipinaglihi.
PAGNINILAY
Mga kapatid, sa Araw ng Pasko, nakatuon ang ating pagdiriwang kay Hesus, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Sa araw na ito, si Maria naman bilang Ina ng Diyos, ang sentro ng ating pagdiriwang. Kung tinuturing natin si Hesus bilang Anak ng Diyos, marapat lamang na ituring din natin si Maria bilang Ina ng Diyos. Hindi nagmumula kay Maria ang pagka-Diyos ni Hesus. Diyos na si Hesus, bago pa man likhain ang sanlibutan. At nang ipinadala Siya ng Diyos Ama sa daigdig, nabuo ang Kanyang pagiging tao sa sinapupunan ni Maria. Si Maria ay hindi lamang Ina ni Hesus at Ina ng Diyos; siya rin ay Ina nating lahat. Sa sulat ni Apostol Pablo sa mga taga-Galacia, ipinaunawa niya sa atin na mismong ang Diyos Ama, ang nagkaloob sa atin ng Espiritu ng Kanyang Anak, upang makatawag tayo sa Kanya ng “Abba! Ama!” Ang Espiritu rin ng Anak, ang nagbibigay sa atin ng kapangyarihang tumawag kay Maria bilang Ina. Mga kapatid, sa unang araw ng Bagong Taon, kay gandang paalala sa atin na mayroon tayong Ina na gumagabay sa atin. Si Maria ang patuloy na magdadala sa atin sa kanyang anak na si Hesus; at si Maria ang magbubuklod sa atin bilang mga magkakapatid, sa iisang nagmamahal na Ama.
PANALANGIN
Panginoon, kilalanin nawa ng sanlibutan si Maria, bilang Ina na maglalapit sa amin Sa’yo at sa isa’t isa, tungo sa tunay na diwa ng kapayapaan, pagkakaisa at pagtutulungan. Amen.