Daughters of Saint Paul

Enero 10, 2018 Miyerkules sa Unang Linggo ng Taon / San William de Borja

MARCOS 1: 29-39

Pagkaalis niya sa sinagoga, tumuloy si Jesus sa bahay nina Pedro at Andres, kasama sina Jaime at Juan. Doo'y nakahiga ang biyenan ni Pedro at may lagnat, at agad nila itong sinabi kay Jesus. Kaya lumapit siya hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito mismo ang naglingkod sa kanila. Pagkalubog ng araw, nang dumilim na, dinala nila kay Jesus ang lahat ng maysakit o inaalihan ng masamang espiritu. Nasa may pintuan nga ang buong bayan. Maraming may iba't ibang sakit ang pinagaling ni Jesus at maraming demonyo ang kanyang pinalayas; ngunit hindi niya sila pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila kung sino siya. Kinabukasan, maaga siyang bumangon at umalis. Pumunta siya sa isang ilang na lugar at doon siya nanalangin. Hinanap siya nina Pedro, at pagkakita sa kanya ay kanilang sinabi: “Hinahanap ka ng lahat.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “Tayo na sa ibang lugar, sa maliliit na karatig-nayon para makapangaral din ako roon; dahil dito kaya nga ako lumabas.” At naglibot siyang nangangaral sa kanilang mga sinagoga sa buong Galilea at nagpapalayas  ng mga demonyo. 

PAGNINILAY:

Sa pagpapagaling ni Jesus ng sakit ng mga tao, patunay ito na hindi lang Siya dumalaw sa kanila, kundi ipinararanas din ang Kaharian ng Diyos. Mahal na mahal ng Panginoon ang mga maysakit.  Kaya sa tuwing nakakatagpo Niya sila, pinagagaling Niya ang kanilang karamdaman. Sa kasalukuyan, ipinagpapatuloy ng ating Simbahan ang misyong ito ng Panginoon.  Katulad ng mga pari na may espeyal na karismang magpagaling, ang mga paring nakadestino sa mga Ospital; ang mga seminarista na nasa Clinical Pastoral Exposure; ganundin ang mga relihiyoso at relihiyosa na nag-aalay ng kanilang buhay sa pagkalinga ng mga maysakit. Kahanga-hanga rin ang mga duktor na bukod sa ginagamot ang sakit ng kanilang pasyente, pine-pray-over pa sila. Ganundin ang mga nurses na bukod sa trabaho nila na kalingain ang may karamdaman at may kapansanan, sinasamahan din silang magdasal. At sa mga faith healers, na may mababang-loob, namumuhay ng payak, at madasalin, sila din mga instrumento ng Panginoon para igawad ang kagalingan.  Mga kapanalig, tayo din, hinandugan ng Diyos ng kakayahang paginhawahin ang mga maysakit. Sa pagdalaw natin sa kanila, maaari nating pagaanin ang kanilang loob at sila’y aliwin – ang paghipo ng banayad sa kanilang noo at balikat, ang paghawak sa kanilang kamay; pagkausap, pagdarasal, ipinararanas natin ang buhay na presensiya ng Panginoong Jesus sa kanila.