Daughters of Saint Paul

ENERO 10, 2020 – BIYERNES PAGKARAAN NG EPIFANIA

EBANGHELYO: LUCAS 5:12-16

Nang nasa isang bayan si Jesus, may isang taong tadtad ng ketong doon. Nang makita niya si Jesus, nagpatirapa siya at nakiusap siya: “Ginoo, kung gusto mo, mapalilinis mo ako.”

Kaya iniulat ni Jesus ang kanyang kamay at hinipo siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka! “Nang oras ding iyo’y iniwan ng ketong ang lalaki.  Iniutos sa kanya ni Jesus: “Huwag mo itong sabihin kanino man kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa iyo ang handog na iniutos ni Moises para magkaroon sila ng patunay.” Ngunit lalo namang kumalat ang balita tungkol sa kanya at pumunta sa kanya ang maraming tao upang makinig at mapagaling sa kanilang mga karamdaman.  Kaya madalas na mag-isang pumunta si Jesus sa mga ilang na lugar para manalangin.

PAGNINILAY:

 (Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, mula sa panulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul.)  Bawal magkasakit. Ito ang panawagan ng mga commercial ng gamot. Bago ba ang paalalang ito? Obviously, hindi! Paalala rin ito nina nanay at tatay, lolo at lola, at mga taong nagmamalasakit sa atin. And wait, there is more! Bago at sa kasalukuyang panahon ng ating Panginoong Hesus, itong ganitong pananaw ay animo’y laging pinapaalala araw-araw hindi lang para sa kapwa, higit sa lahat para sa sarili. May social pressure kasi ang magkasakit noon.  Ang turing sa sakit noon ay hindi lang kapag may deperensya ang pangangatawan. Ang trato din sa sakit noon ay may deperensya ang ugnayan ng isang taong may karamdaman sa Diyos. Ibig sabihin, kaya nagkasakit ka ay dahil makasalanan ka at dahil makasalanan ka, galit sa iyo ang ang Diyos! Ang tindi di ba?! May pressure!!!  Sa ating Ebanghelyo, narinig natin na hindi ito totoo. Mahal din ng Diyos ang maysakit. Hindi iniiwan ng Diyos ang mga ito. Batid ng Diyos na kahit anumang karamdaman ng isang tao, mas higit niyang dapat iparamdaman ang kanyang pagmamahal. Hindi nang-iiwan ang Diyos. Jesus is proclaiming in words and deeds that eventhough the society sees you as the lost, the last and the least, you are seen by God as his beloved. 

PANALANGIN:

Panginoon salamat po sa pag-aruga sa amin. Lalong lalo na kapag meron kaming sakit. Naway maging bukas din po kami tulad ninyo na nandiyan lagi sa mga may karamdaman. Amen.