Daughters of Saint Paul

ENERO 10, 2024 – Miyerkules sa Unang Linggo ng Karaniwang Panahon | San Gregorio ng Nisa

BAGONG UMAGA

Mapayapang araw ng Miyerkules ginigiliw kong kapatid kay Kristo! Kumusta po kayo? Nawa’y nasa Mabuti kayong kalagayan, sa gitna ng samu’t saring pinagdadaanan sa buhay.  Dahil pinatatatag kayo ng iyong pananalig, na hindi kayo nag-iisa, kasa-kasama ninyo ang Diyos sa pagharap ng mga pagsubok sa buhay.  Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang tagpo ng pagpagaling ng Panginoong Hesus ng maraming maysakit, sa Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata isa, talata dalawampu’t siyam hanggang tatlumpu’t siyam.

EBANGHELYO: Mk 1:29-39

Pagkaalis niya sa sinagoga, tumuloy si Hesus sa bahay nina Pedro at Andres, kasama sina Jaime at Juan. Doo’y nakita ang biyenan ni Pedro at may lagnat, at agad nila itong sinabi kay Hesus.  Kaya lumapit siya, hinawakan ito sa kamay at ibinagon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito mismo ang naglingkod. Pagkalubog ng araw, nang dumidilim na, dinala nila kay Hesus ang lahat ng maysakit o inaalihan ng masasamang espiritu.  Nasa may pintuan nga ang buong bayan.  Maraming may ibat-ibang sakit ang pinagaling ni Hesus at maraming demonyo ang kanyang pinalayas; ngunit hindi niya sila pinahintulutang magsalitasapagkat alam nila kung sino siya. Kinabukasan, maaga siyang bumangon at umalis.  Pumunta siya sa isang ilang na lugar at doon siya nanalangin. Hinanap siya nina Pedro, at pagkakita sa kanya ay kanilang sinabi: “Hinahanap ka ng lahat.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “Tayo na sa ibang lugar, sa maliliit na karatig-nayon para makapangaral din ako roon; dahil dito kaya nga ako lumabas.” At naglibot siyang mangaral sa kanilang mga sinagoga sa buong Galilea at nagpapalayas ng mga demonyo.

PAGNINILAY

Isinulat ni Miss Belen Liboon ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Sa pelikulang “Nanny Mcphee”, may tanyag na linya na sinasabi siya, “When you need me, but do not want me, then I must stay. When you want me, but no longer need me, then I have to go.” Sa Tagalog, “Kung kailangan mo ako pero di mo ako gusto, dito lang ako sa tabi mo. Pero kung gusto mo na ako at di naman na talaga kailangan, dapat na akong umalis.” Tulad ni Nanny Mcphee, si Hesus ay inayawan din ng mga tao sa simula. Pero nang makita nila ang mga milagrong ginawa nya tulad ng pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas sa mga demonyo, hinahanap-hanap na nila siya at ayaw na nilang paalisin. Pero, sinabi ni Hesus sa mga apostol, “Kailangang pumunta rin tayo sa mga karatig-bayan upang makapangaral ako roon. Ito ang dahilan ng pagparito ko.” Sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, dapat tayong maging “detached” sa lahat ng bagay, tao at lugar upang malaya tayong makatugon sa mga taong higit na nangangailangan ng ating tulong. Mga kapatid, ang “detachment” na tinutukoy ko ay hindi tulad ng indifference o kawalan ng pakialam sa nangyayari sa paligid natin. Sa halip, hinihikayat tayong lumabas sa ating mga “comfort zones” at ibahagi sa iba ang mga biyayang ibinigay din naman ng Diyos sa atin. 

PANALANGIN

Panginoon tulungan Mo po kaming maging malaya. Itinataas po namin sa Inyo ang lahat ng bagay, tao at lugar na pumipigil sa amin sa pagtugon sa kalooban Ninyo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ng iyong Anak na si Hesukristo. Amen.