EBANGHELYO: JUAN 3:22-30
Pumunta si Jesus at ang kanyang mga alagad sa lupain ng Judea, at doon siya tumigil kasama nila, at nagbibinyag. Nagbibinyag din naman si Juan sa Enon na malapit sa Salim, sapagkat malalim ang tubig doon, at may mga nagdaratingan at nagpapabinyag. Hindi pa nabibilanggo noon si Juan.At nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan sa isang Judio tungkol sa paghuhugas. Pinuntahan nila si Juan at sinabi sa kanya: “Rabbi, ang kasa-kasama mo sa ibayo ng Jordan, na pinatotohanan mo, nagbibinyag siya ngayon at sa kanya pumupunta ang lahat.” Sumagot si Juan: “Walang maaabot ang tao, maliban sa ibinigay sa kanya ng Langit. Kayo mismo ang mga saksi ko na sinabi kong: ‘Hindi ako ang Kristo; sinugo ako una sa kanya.’ Para sa nobyo ang nobya. Naroon ang abay ng nobyo para makinig sa kanya at ikinagagalak niya ang makinig sa nobyo. Ganito rin lubos ang aking kagalakan. Dapat siyang humigit at ako nama’y lumiit.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. He must increase, I must decrease!Ito ang napakagandang tugon ni Juan sa mga nagtanong sa kanya tungkol sa reaksyon nya sa pagbibinyag din ni Jesus sa ibayo ng Jordan. Alam ni Juan kung ano ang kanyang misyon at kung saan nya ilulugar ang kanyang sarili. Alam nyang sinugo lamang sya upang ihanda ang daan ni Kristo. Kahit na marami ring naging tagasunod si Juan, nanatili siyang tapat sa kanyang identity at misyon. “Hindi ako ang Kristo, kundi ang sinugo na nauna sa kanya.” Mga kapatid, isa itong magandang paalala sa lahat na naglilingkod sa Panginoon. Mga instrumento lamang tayo kaya hindi tayo ang sentro ng atensyon kundi si Kristo. Naalala ko tuloy ang aking unang karanasan sa summer mission. Talagang hanga ako sa mga kasama ko na sa bawat tahanang dinalaw nila ay talagang memorized lalo na ng mga bata ang kanilang pangalan. Parang feeling sikat eh. Binalak ko ngang gayahin. Kaso nang nagdasal ako, biglang ipinaalala sa akin ng Diyos ang passage na ito. Isang malaking karangalan ang maalala tayo ng mga taong ating nakasalamuha at pinaglingkuran, pero hindi ito ang dapat na maging layunin ng isang lingkod ng Diyos, kundi ang ipakilala Sya at ang kanyang dakilang pagmamahal sa lahat na nilikha Nya. Hingin natin sa Panginoon na panatilihin tayong tapat sa Kanya at sa ating misyon sa buhay. Amen.