Daughters of Saint Paul

ENERO 11, 2021 – LUNES SA UNANG LINGGO NG TAON

EBANGHELYOMk 1:14-20

Pagkadakip kay Juan, pumunta si Jesus sa Galilea.  Doon niya ipinahayag ang magandang balita ng Diyos sa pagsasabing  “Sumapit na ang panahon; magbagong buhay at maniwala sa magandang balita; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.” Sa pagdaan ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya si Simon kasama si Andres na kapatid niya na naghahagis ng mga lambat sa lawa.  Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.”  Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. Nagpatuloy pa siya ng kaunti, nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo; nasa bangka sila at nagsusursi ng kanilang lambat.  Tinawag sila ni Jesus.  Agad nilang iniwan sa bangka ang kanilang amang si Zebedeo at umalis na kasunod niya.    

PAGNINILAY

Isinulat ni Dina Ursiana ng IOLA ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Para sa akin, hindi madali ang ginawa ng mga unang alagad, iniwan nila ang kanilang hanapbuhay at ang kanilang pamilya alang-alang kay Jesus at sa misyon.Parang may mali, wala pong mali sa pagtawag sa kanila ni Jesus. Sa pagtawag ni Jesus sa kanyang mga alagad, di nya binabalewala ang kahalagahan ng pamilya, ang hanapbuhay. Bagkus may mas malawak at malaki pang misyon ang ipagkakatiwala sa kanila ng Panginoon, ang maging mamalakaya ng tao. Sa pagtawag ni Jesus sa mga alagad, mas lumaki ang kanilang pamilya at naipangalat sa iba’t – ibang dako ang Mabuting Balita.// Hindi sila pinabayaan ni Jesus sa kanilang pangangailangan. Naalala ko tuloy nung maliit pa ako, gustong-gusto kong dumadalo sa mga catechism classes.  Sa baryo kami nakatira, kaya pupunta pa ako sa bayan para lang dumalo ng catechism class. Noong high school, may catechism class pa din kami, at favorite ko yung katekista namin. Yun na pala ang simula ng pagtawag sa akin ng Panginoon na maging katekista. Naging full time Catechist ako ng Archdiocese of Manila for a long time.// Sa karanasan ko  bilang Katekista, di nagkulang ang Diyos sa aking pangangailangan, laging sapat. Mas nadagdagan pa ang aking pamilya, at marami akong nararating na lugar. Mahirap ang misyon, maraming demands, pero mas malaki ang biyayang ibinibigay ng Diyos once na tinawag ka Nya.// Bilang mga binyagang Kristiyano, may misyon tayong ipangaral ang Mabuting Balita, anuman ang katatayuan natin sa buhay. Huwag matakot iwanan ang mga comfort zones, ang possesions, ang attachments alang-alang kay Jesus at sa misyon. Hindi ka pababayaan ng Diyos once na tumugon at sumunod ka sa Kanya// 

PANALANGIN

Panginoon, kagaya ng mga una mong alagad, bigyan mo po ako ng lakas ng loob na tumugon at sumunod sa iyong tawag na ipalaganap ang Mabuting Balita. Amen.