BAGONG UMAGA
Mapagpalayang araw ng Huwebes kapatid kay Kristo! Dakilain ang Diyos nating Mapagpagaling. Idulog natin sa Kanya ang pangangailangan natin ng kagalingan, sa mga pinagdadaanan nating karamdaman, at hilinging iunat ang kanyang mapagpagaling na kamay, at igawad sa atin ang ganap na kagalingang matagal na nating inaasam-asam. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata isa, talata apatnapu hanggang apatnapu’t lima.
EBANGHELYO: Mk 1:40-45
Lumapit kay Hesus ang isang may ketong at nakiusap sa kanya: “Kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” Nahabag si Hesus sa kanya, iniulat ang kanyang kamay, hinipo siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyon, iniwan ang lalaki ng kanyang ketong at luminis siya. Ngunit mahigpit siyang pinagbilinan ni Hesus sa kanyang pag-alis, sinabi niya: “Mag-ingat ka, huwag mo itong sabihin kaninuman, kundi pumunta sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa pagkalinis sa iyo ang handog na iniutos ni moises upang magkaroon sila ng patunay.” Ngunit pagkaalis ng tao, sinimulan niyang ipahayag ito kahit saan at ipamalita ang pangyayaring ito. Dahil dito, Hindi na lantarang makapasok sa bayan si Hesus kundi nanatili siya sa labas, sa mga ilang na lugar. Ngunit may dumating pa rin sa kanya na kung saan-saan galing.
PAGNINILAY
Isinulat ni Rev. Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Sa ating ebanghelyo, inilarawan ang pagkahabag ni Hesus sa isang taong may ketong. Sinabi ng ketongin, “Kung ibig po ninyo’y mapapagaling ninyo ako.” Sino ba naman ang hindi maaantig sa kalunos-lunos na kalagayan ng isang taong may karamdaman. (Naalala ko ang mga panahon na nagbabantay ako ng isang kaanak sa ospital, o kaya noong ako mismo, ay nagkaroon ng pagkakataon, na saglit na makapaglingkod sa isang ospital dito sa maynila. Sa tuwing papasok ako ng silid ng isang may-sakit, at madidinig ko ang kwento ng kanilang mga pinagdaanan, tiyak na madudurog ang puso ng sinuman, sa bigat at sakit ng pagkakaroon ng karamdaman, lalo na yaong mga may alam, na wala nang lunas ang kanilang iniindang sakit.) Nang banggitin ni Hesus ang mga katagang, “Ibig ko, gumaling ka.” Naganap ang matagal nang hinihintay ng taong may karamdaman, ang makahanap ng lunas sa kanyang sakit na dinaranas. Lahat siguro ng may sakit, ito ang dalangin – na sila’y pagalingin ng Panginoon. Lahat ng ating karamdaman, pisikal man yan o espiritwal, pinagagaling, at ibig pagalingin ng Panginoon. Sa tulong ng mga doctor, nars at biyaya ng gamot na nakatutulong magpagaling, mababanaagan ang kamay ng Diyos, na patuloy na gumagabay, at tumutugon sa bawat nating mga pangangailangan o karamdaman. Minsan, sa tindi at bigat ng ating karamdaman, dala ng habag at awa ng Diyos, tinatawag Niya na tayo pabalik at pauwi ng Tahanan ng Ama, upang doon, mawala na ng ganap, ang labis nating paghihirap, o sakit na dala ng ating karamdaman. Mga kapatid, huwag tayong mawawalan ng pag-asa sa gitna ng ating mga pagsubok lalo na sa mga karamdaman, alalahanin nating lagi ang mga Salita ni Hesus: “Ibig ko, gumaling ka.” Amen.