Daughters of Saint Paul

ENERO 12, 2018 Biyernes sa Unang Linggo ng Taon / San Benito de Biscop

MARCOS 2:1-12

Pagkaraan ng ilang araw, pumasok si Jesus sa Capernaum. Nang mabalitang nasa bahay siya, marami ang nagtipon doon kaya wala nang lugar kahit sa may pintuan. At ipinahayag niya ang Salita. May mga tao namang dumating at dinala sa kanya ang isang paralitiko, na buhat-buhat ng apat. At nang hindi sila makalapit kay Jesus dahil sa dami ng tao, inalis nila ang mga tisa ng terasang nasa ibabaw ng kinaroroonan ni Jesus at pagkabukas nila nito, inihugos nila ang paralitikong nasa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan!” May ilang guro ng Batas naman na nakaupo roon at inisip nila: “Ano itong sinasabi niya?Talagang iniinsulto niya ang Diyos. Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Hindi ba't ang Diyos lamang?” At agad na nalaman ni Jesus sa kanyang espiritu na ganoon ang kanilang mga niloloob na kaisipan. Kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan n'yong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: 'Pinatawad na ang iyong mga kasalanan' o 'Tumayo ka, kunin ang iyong higaan at lumakad'? Dapat n'yong malaman na sa lupa ay may kapangyarihan ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Iniuutos ko sa iyo: bumangon ka, dalhin ang iyong higaan at umuwi.” At bumangon nga ang tao, agad na kinuha ang higaan at lumabas na nakikita ng lahat. Lubhang namangha ang lahat at nagpuri sila sa Diyos sa pagsasabing “Kailanma'y hindi pa kami nakakakita ng ganito.”

PAGNINILAY:

Bago pa man inisip ng mga kaibigan ng paralitiko kung paanong dadalhin sa harap ni Jesus ang kaibigan nila, hinangad na ni Jesus na pagalingin siya. Ganyan kamahal ni Jesus ang mga nahihirapan at may sakit. Totoo na kapag may kapansanan o may sakit tayo, nakararamdam tayo ng kahinaan, pagkabagot at umiikli ang ating pasensiya. Minsan nawawalan na tayo ng pag-asa at may mga pagkakataon din na sinisisi na natin ang Diyos.  Sa isang banda, nakabubuti din sa atin ang pagkakasakit paminsan-minsan.  Dahil nakapagpapahinga tayo sa napakami nating gawain, nakakapag-isip-isip din tayo na di pala natin hawak ang mundo – patuloy pa rin itong iikot kahit wala tayo.  At higit sa lahat natututo tayong magdasal at magnilay kung ano ba ang pinaggagawa natin sa ating buhay.  Mga kapanalig, totoong may dahilan ang Panginoon sa mga kaganapan sa ating buhay.  Para imulat ang ating kamalayan sa katotohanan na di natin hawak ang buhay natin.  Marami man tayong pinaplano sa buhay, kung hindi naman ito ipapahintulot ng Panginoon, wala pa ring mangyayari.  Kaya sa ating pagdarasal, lagi nating sasambitin, Panginoon, nagsusumamo po ako, na kung Iyong loloobin, ito ang mga pinaplano at ninanais ko sa aking buhay.  Amen.