EBANGHELYO: Mk 1:21-28
At pumunta sila sa Capernaum. At nagturo siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga. Nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng mga guro ng Batas. May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng isang maruming espiritu. Sumigaw ito: “Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na taga Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka: Ang Banal ng Diyos.” “Tumahimik ka’t lumayas sa kanya.” Matinding niyugyog ng espiritu ang taong iyon at pagkasigaw nang malakas ay saka lumabas. Talagang takang-taka ang lahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Isang bagong pagtuturo na may kapangyarihan! Inuutusan niya kahit maruruming espiritu at sinusunod nila siya.” At lumaganap ang katanyagan niya saan man sa buong lupain ng Galilea.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni APC Lulu Pechuela, isang Pauline Cooperator ang pagninilay sa Ebanghelyo. Ang katanyagan ng Panginoon ay kumalat sa lahat ng dako, dahil sa husay niyang mangaral at sa mga katangian niyang hindi pangkaraniwan: pagpapalayas nang demonyo, pagpapagaling ng maysakit at iba’t iba pang mga himala.// Sa modernong panahon natin, wala nang propetang naghihimala. Pero ang pagkauhaw sa salita nang Diyos at sa pangaral na kaakibat nito ay buhay na buhay sa puso nating lahat. Sa katunayan, hindi man tama, ay “namimili” ang mga tao nang pari na nagbibigay ng magandang homiliya. Iyong ang pangaral ay napapanahon at tumitimo sa puso at isip nang lahat. Kaya maraming pari ang popular; dinadayo kahit sa malayong simbahan naroroon. Ito rin ang dahilan kung bakit dinudumog ang mga charismatic preachers. Tunay na napakalaki ng impluwensiya nang mahusay na pangangaral sa kawan.//
PANALANGIN
Panginoon, itinataas ko po sa inyo ang kaparian, lukuban nawa sila ng Espiritu Santo upang maging mabubuting mangangaral, nang matugunan ang pagkagutom ng mga anak Mo sa iyong salita. Nawa ay maging instrumento sila ng kaliwanagan, kaalaman at pag-asa lalo na ng mga naguguluhan at nahihirapan sa buhay. Nawa’y matugunan nila ang pagkauhaw ng iyong kawan sa iyong salita. Amen