Daughters of Saint Paul

ENERO 12, 2024 – Biyernes sa Unang Linggo ng Karaniwang Panahon | San Benito Biscop

BAGONG UMAGA

Magandang-magandang araw ng Biyernes kapatid kay Kristo! Sumaatin nawa ang kagalingang pisikal at espiritwal na nagmumula sa Panginoon. Ito po muli si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang buksan na natin ang puso at isip sa paggabay ng Banal na Espiritu upang maunawaan natin ang mensahe ng Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata dalawa, talata isa hanggang labing-dalawa.  

EBANGHELYO: Mk 2:1-12

Pagkaraan ng ilang araw, pumasok si Hesus sa Capernaum.  Nang mabalitaang nasa bahay siya, marami ang nagtipon doon kaya wala nang lugar kahit sa may pituan.  At ipinahayag niya ang Salita.  May mga tao namang dumating at dinala sa kanya ang isang paralitiko, na buhat-buhat ng apat. At nang hindi sila makalapit kay Hesus dahil sa dami ng tao, inalis nila ang maga tisa ng terasang nasa ibabaw ng kinaroroonan ni Hesus at pagkabukas nila nito, inihugos nila ang paralitikong nasa higaan. Nang makita ni Hesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” May ilang guro ng Batas naman na nakaupo roon at inisip nila: “Ano itong sinasabi niya? Talagang iniinsulto niya ang Diyos.  Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Di ba’t ang Diyos lamang?” At agad na nalaman ni Hesus sa kanayang espiritu na ganoon ang kanilang mga niloloob na kaisipan.  Kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan n’yong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka, kunin ang iyong higaan at lumakad’? Dapat n’yong malaman na sa lupa ay may kapangyarihan ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Iniuutos ko sa iyo: bumangon ka, dalhin ang iyong higaan at umuwi.”  At bumangon nga ang tao, agad na kinuha ang higaan at lumabas na nakikita ng lahat. Lubhang namangha ang lahat at nagpuri sila sa Diyos sa pagsasabing “Kailanma’y hindi pa kami nakakakita ng ganito.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Mga kapatid, marahil pamilyar kayo sa awiting: “walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang, at lahat tayo’y may pananagutan sa isa’t isa.” Naalaala ko ang awiting ito, dahil sa kuwento ng pagpapagaling sa paralitiko, na narinig natin sa Mabuting Balita.  Sadyang napakahirap ang buhay ng isang taong maysakit, lumpo o paralitiko na katulad ng lalaki sa ebanghelyo. Kinakailangan niyang umasa sa tulong ng iba. Pero sa kabilang dako, napakapalad din ng taong ito dahil meron siyang mga kaibigan, na buong pusong nagmamahal at tumutulong sa kanya. At nakita rin natin, na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya, upang malampasan ang anumang balakid na makasasagabal, sa kanilang pagtulong sa kaibigang maysakit.  (Mga kapatid, bukas ba ang ating puso sa pagtulong sa taong nangangailangan, kaibigan man o hindi? Sa panahon ng kagipitan, meron ba tayong matatag na pananampalataya, na malalagpasan natin ang lahat ng pagsubok, dahil kasama natin ang Diyos? Hilingin natin sa Panginoon, na pagkalooban tayo ng matatag na pananampalataya at malalim na pag-ibig sa bawat isa.)