Daughters of Saint Paul

Enero 13, 2017 BIYERNES / San Hilario, Obispo at pantas ng Simbahan

Mk 2:1-12

Pumasok si Jesus sa Capernaum.  Nang mabalitaang nasa bahay siya, marami ang nagtipon doon kaya wala nang lugar kahit sa may pituan.  At ipinahayag niya ang Salita.  May mga tao namang dumating at dinala sa kanya ang isang paralitiko, na buhat-buhat ng apat.

            At nang hindi sila makalapit kay Jesus dahil sa dami ng tao, inalis nila ang mga tisa ng terasang nasa ibabaw ng kinaroroonan ni Jesus at pagkabukas nila nito, inihugos nila ang paralitikong nasa higaan.

            Nang makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”

            May ilang guro ng Batas naman na nakaupo roon at inisip nila: “Ano itong sinasabi niya? Talagang iniinsulto niya ang Diyos.  Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan?  Di ba’t ang Diyos lamang?”

            At agad na nalaman ni Jesus sa kanyang espiritu na ganoon ang kanilang mga niloloob na kaisipan.  Kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan n’yong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka, kunin ang iyong higaan at lumakad’? Dapat n’yong malaman na sa lupa ay may kapangyarihan ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.”

            At sinabi niya sa paralitiko: “Iniuutos ko sa iyo: bumangon ka, dalhin ang iyong higaan at umuwi.”  At bumangon nga ang tao, agad na kinuha ang higaan at lumabas na nakikita ng lahat.

            Lubhang namangha ang lahat at nagpuri sila sa Diyos sa pagsasabing “Kailanma’y hindi pa kami nakakakita ng ganito.”

PAGNINILAY

Alam ng Panginoon na ang kasalanan ang pangunahing dahilan ng pagkaparalisado ng katawan ng tao. Dahil dito, sinimulan Niyang patawarin ang paralitiko sa Ngalan ng Diyos at tuluyan Niya itong pinagaling. Ipinakita ng Panginoon ang habag Niya sa paralitiko na nawalan na ng laya ang katawan na kumilos, at pinagkaitan ng kasiyahang tinatamasa ng isang taong normal at walang kapansanan. Pansinin natin ang napaparalisado nating bansa sa kasalukuyan.  Lahat tayo nabighani sa pangakong pagbabago ng mga hinalal nating pulitiko. Pero ano bang pagbabago ang nagaganap ngayon sa ating bansa?  Kabi-kabila ang kasinungalingan, mukhang hindi mo na alam kung sino ang nagsasabi ng tama. Kanya-kanyang pagkubli ng katotohanan. At ang pinakamasaklap, tila nagiging normal na ang pagpatay ng tao.  At marami sa atin ang hindi na nababahala sa usaping ito, at gusto pang isabatas ang death penalty para lalong maging legal ang pagpatay sa mga nagkasala?  Di ba napakatinding pagkaparalisa ito ng budhi?  Panginoon, nagsusumamo po kami na hilumin mo ang pagkaparalisado ng aming lipunan. Paliwanagan Mo po ang puso’t isipan ng aming mambabatas na pahalagahan ang buhay ng tao.  Amen.