Daughters of Saint Paul

ENERO 13, 2020 – LUNES SA UNANG LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: MARCOS 1:14-20

Pagkadakip kay Juan, pumunta si Jesus sa Galilea. Doon niya ipinahayag ang magandang balita ng Diyos sa pagsasabing “Sumapit na ang panahon; magbagumbuhay at maniwala sa magandang balita; lumapit na ang Kaharian ng Langit.”Sa pagdaan ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya si Simon kasama si Andres na kapatid niya na naghahagis ng mga lambat sa lawa. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.” Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.Nagpatuloy pa siya ng kaunti, nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo; nasa bangka sila at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. Agad nilang iniwan sa bangka ang kanilang amang si Zebedeo at umalis na kasunod niya.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ng aming madre na si Sr. Edith Ledda ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Pagtugon sa tawag ng misyon ang tema ng Ebanghelyo ngayon. Hindi ko maiwasan na magbalik tanaw sa aking mga karanasan kung paano ako tinawag ng Diyos. Noong nakaraang pagninilay, nabanggit ko na mula sa sakripisyo at panalangin ang naging daan ng pagdedesisyon ko na mag madre. Pero dahil sa dami ng karanasan, masasabi ko din na bilang isang kabataan noon, na nabibilang sa samahang Buklod Diwa kung bakit ako madre ngayon. Noon pa man, may mga gawain na ang aming parokya para sa mga kabataan, mula sa pag-awit sa simbahan, pagdalaw sa mga bilanggo at mga may sakit sa ospital. Mga gawain ito na malaki ang naitulong sa akin para lumago ang bokasyon sa pagmamadre. Harinawang marami pang kabataan nag tumugon sa tawag ng Panginoon na maglingkod sa Kanya bilang pari, madre at lay missionaries. Dalangin ko din na magabayan ang ating mga kabataan na magmisyon. Hindi na kinakailangan pang lumayo ng mga kabataan para magmisyon. Ang pagsisikap na maging mabuting kabataan, mabuting anak, mabuting kristiyano at mabuting kasama sa gawain sa kawan ng Panginoon – ang mga konkretong paraan ng pagmimisyon.  

PANALANGIN:

Panginoon, patuloy kang tumawag, patuloy kang magpadala ng mangingisda at manggagawa sa bukirin. Marami nawa ang sa Iyo ay tumungon at maglingkod. Amen.