Daughters of Saint Paul

ENERO 13, 2021 – MIYERKULES SA UNANG LINGGO NG TAON

EBANGHELYOMk 1:29-39

Pagkaalis niya sa sinagoga, tumuloy si Jesus sa bahay nina Pedro at Andres, kasama sina Jaime at Juan. Doo’y nakahiga ang biyenan ni Pedro at may lagnat, at agad nila itong sinabi kay Jesus.  Kaya lumapit siya, hinawakan ito sa kamay at ibinagon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito mismo ang naglingkod sa kanila. Pagkalubog ng araw, nang dumidilim na, dinala nila kay Jesus ang lahat ng maysakit o inaalihan ng masamang espiritu.  Nasa may pintuan nga ang buong bayan. Maraming may ibat-ibang sakit ang pinagaling ni Jesus at maraming demonyo ang kanyang pinalayas; ngunit hindi niya sila pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila kung sino siya. Kinabukasan, maaga siyang bumangon at umalis.  Pumunta siya sa isang ilang na lugar at doon siya nanalangin. Hinanap siya nina Pedro, at pagkakita sa kanya ay kanilang sinabi: “Hinahanap ka ng lahat.” “Tayo na sa ibang lugar, sa maliliit na karatig-nayon para makapangaral din ako roon; dahil dito kaya nga ako lumabas.” At naglibot siyang nangangaral sa kanilang mga sinagoga sa buong Galilea at nagpapalayas ng mga demonyo.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Naalala n’yo ba ang pagninilay natin noong nakaraang Huwebes tungkol kay Jesus bilang Karunungan, Pag-asa, Kalunasan at Pagpapagaling, Kaligtasan, Kagalakan? Na Siya ang magdudulot ng Taon ng Biyaya para sa atin? Sa narinig natin ngayon, buong araw na walang patid na agos ng biyaya ang iginawad ni Jesus sa mga may pisikal at espiritwal na karamdaman. Sa umaga, bago pa sumikat ang araw, taimtim na Niyang kausap ang Diyos Ama. Oo, 100% na tao si Jesus pero 100% din Siya na Diyos na kaisa ng Diyos Ama. Taglay Nila ang kabanal-banalang presensya na nakakahilom, nakapagpapalaya, nagbibigay-kaligtasan. Ngayong pagdiriwang ng Taon ng Salita ng Diyos ng Pauline Family, na magalak rin naming ibinabahagi  sa inyo,  kinikilala namin ang handog ng kabanalan ng Diyos dulot ng Kanyang Salita. Ayon din kay Pope Francis sa GAUDETE ET EXSULTATE  na ang kabanalan daw, nabubuo sa habitwal na pakikipag-isa sa Diyos, ang palagiang pakikinig sa Kanya. At kung naka-ugalian na natin na makinig sa Kanyang Salita at maisabuhay ito, sino man ang makasalamuha natin, may biyaya ng paghilom, ng kagalakan, ng paglaya, ng kapayapaan silang matatanggap. Kaya purihin natin si Jesus, ang Nagkatawang Taong Salita. Ang pinagmumulan ng lahat ng biyaya!