Daughters of Saint Paul

ENERO 13, 2024 – Sabado sa Unang Linggo ng Karaniwang Panahon | San Hilario, Obispo at pantas ng Simbahan

BAGONG UMAGA

Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo!  Purihin ang Panginoong Hesus na ating Dakilang Manggagamot!  Naparito Siya upang magbigay lunas sa ating lahat nangangailangan ng kagalingang pisikal at espiritwal. Buong kababaang loob nating idulog sa Kanya ang pangangailangan natin ng kagalingan.  Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata dalawa, talata labintatlo hanggang labimpito. 

EBANGHELYO: Mk 2:13-17

Pumunta si Hesus sa tabing-dagat at lumapit din sa kanya ang lahat.  Kaya nagturo siya sa kanila. Nakita naman niya sa paglalakad si Levi na anak ni Alfeo, na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo ito at sinundan siya. Habang nanunuluyan naman si Hesus sa bahay niya, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang nakisalo kay Hesus at sa kanyang mga alagad.  Talagang ngang marami sila.  Ngunit may mga guro ng Batas namang sumusunod sa kanya. Nang makita nila na nasa hapag siya kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanilang alagad: “Ano! Kumakain siyang kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis?” Nang marinig ito in Hesus, sinabi nila sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan bg Doctor kundi ang mga maysakait! Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”

PAGNINILAY

Nangangailangan ng Manggagamot ang may karamdaman. Isinulat ni Sr. Gemmaria Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Mga kapatid, sino sa atin ang may pagkakamali, kahinaan, kapintasan, kakapusan?  Alam kong bawat isa sa atin may dinaramdaman na sugat ng kalooban. At ngayon, napakinggan natin ang paghilom na iniaalay ng Panginoon. Narito Siya para hilumin, punan, patawarin ang ating karupukan. Nasasalamin din sa atin ang kasalukuyang karamdaman ng ating Inang Sambayanan bilang Katawan ni Kristo. Na ngayon, sa inspirasyon at biyaya ng ating Panginoon, may panlunas tayo na pinagsisikapang simulan. Sa pangunguna ni Pope Francis, ginanap ang Unang Synodal Assembly noong nakaraang October 2023. Kasama niya for the first time, hindi lang ang mga obispo, kundi mga pari, mga consecrated religious men and women, lay people. Isa sa mga highlights ng final document, ay ang pagkakaroon ng panibagong baptismal ministry of listening and accompaniment. Naroon din ang magkakatuwang na mabuting pagpapasya, tungkol sa isyung kontrobersyal at moral, sa tulong ng liwanag ng Salita ng Diyos, turo ng Simbahan, at malalim na pagninilay tungkol sa ating Diyos. Tayo bilang kabahagi ng Simbahan, ipagpatuloy nating manalangin, na pakinggan at hilumin ang ating personal na sugatang kalooban, at epektibong makilahok sa healing at growth process ng ating Sambayanan. Huwag tayo susuko. Hindi ba, never tayong sinukuan ng ating Panginoon?