Daughters of Saint Paul

Enero 14, 2017 SABADO Unang Linggo ng Taon / San Felix de Nola

Mk 2:13-17 

Pumunta si Jesus sa tabing-dagat at lumapit din sa kanya ang lahat.  Kaya nagturo siya sa kanila.

            Nakita naman niya sa paglalakad si Levi na anak ni Alfeo, na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito:  “Sumunod ka sa akin.” A t tumayo ito at sinundan siya.

            Habang nanunuluyan naman si Jesus sa bahay niya, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad.  Talaga ngang marami sila.  Ngunit may mga guro ng Batas namang sumusunod sa kanya.  Nang makita nila na nasa hapag siya kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanyang mga alagad: “Ano! Kumakain siyang kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis?”

            Nang marinig ito in Jesus, sinabi nila sa kanila:  “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, kapansin-pansin sa Ebanghelyo ngayon ang pakikisalamuha ni Jesus sa mga makasalanan.  Inanyayahan Niya si Levi, na isang maniningil ng buwis na sumunod sa Kanya.  Gayundin nakisalo Siya at ang Kanyang mga alagad sa iba pang makasalanan, na labis namang ikinagulat ng mga Guro ng Batas.  Ginawa ito ng Panginoong Jesus dahil gusto Niyang maligtas ang mga makasalanan.  Sa Kanyang pakikihalubilo sa mga makasalanan maituturo Niya sa kanila ang daan ng kabutihan; maipaparamdam Niya sa kanila ang Kanyang walang pagtatanging pagmamahal; at mabibigyan Niya pa sila ng pag-asang magbago, na hindi pa huli ang lahat.  Marahil sa pagpapadama Niya sa kanila ng walang kundisyong pagmamahal sa kabila ng kanilang pagiging makasalanan, mahikayat din silang magbago at magpakabuti.  Sinabi nga ng Panginoon sa Ebanghelyo ngayon na “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doctor kundi ang mga maysakit.  Hindi Siya naparito para tawagin ang mga mabubuti kundi ang mga makasalanan.”  Mga kapatid, tayo’y mga makasalanan din na patuloy na kinakasihan ng habag at awa ng Diyos.  Kaya wala tayong karapatang maghusga sa kapwa nating makasalanan. Lalo pa’t hatulan sila ng kamatayan na siyang isinusulong ng ating mga mambabatas sa ngayon.  Panginoon, paliwanagan Mo po ang puso’t isipan ng aming mga mambabatas, hinggil sa usapin ng death penalty. Matanto nawa nila na Kayong Maylikha ng buhay ng tao, ang tanging may karapatang bumawi ng buhay, sa panahong Iyong itinakda.  Amen.