EBANGHELYO: MARCOS 1:21-28
At Pumunta si Jesus at ang kanyang mga alagad sa Capernaum. At nagturo siya sa sinagoga sa mga Araw ng Pahinga. Nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng mga guro ng Batas.May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng isang maruming espiritu. Sumigaw ito: “Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka: Ang Banal ng Diyos.”Ngunit iniutos sa kanya ni Jesus: “Tumahimik ka’t lumayas sa kanya.” Matinding niyugyog ng espiritu ang taong iyon at pagkasigaw nang malakas ay saka lumabas.Talagang takang-taka ang lahat at nag-usap-usap sila : “Ano ito? Isang bagong pagtuturo na may kapangyarihan! Nauutusan niya kahit maruruming espiritu at sinusunod nila siya .” At lumaganap ang katanyagan niya saanman sa buong lupain ng Galilea.
PAGNINILAY:
Isinulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Demonyo/Masamang Espiritu. Madalas ang larawan natin sa mga ito, nanlilisik ang mata, magulo ang buhok, marumi at nakakatakot. Sa panahon natin ngayon meron ibang hitsura ang mga ito—pagmamalaki, kasuwapangan, paninira, walang pakialaman at marami pang iba! Ito ang Demonyo! Mga gawain ito ng demonyo! Ito ang mga dahilan na pwedeng ilayo tayo sa Diyos. Ang tanong ngayon, hahayaan ba natin na lukuban tayo ng kasamaan? Sigurado akong ang sagot natin ay, “ayaw ko siyempre Father!” Pero ano ang ayaw na iyan? Salita lang ba o mayroong gawa? Ang pagsabi ng “Ayaw ko sa demonyo” ay isang desisyon. Desisyon na kailangang may pagpuputol. May malaking pagkapareho ang paggawa ng desisyon sa gunting. Ano ang gamit ng gunting? Di ho ba ang pumutol, ang gumupit? Ang salitang desisyon ay galing sa salitang Latin na decidere na ang ibig sabihin ay “to cut off”. Kung kayat hinihimok tayo na kung talagang gusto natin na sumunod sa Diyos, gumamit tayo ng gunting, magdesisyon at putulin ang mga pag-iisip at gawaing nagpapalayo sa atin sa Poong Maykapal.
PANALANGIN:
Panginoon, tulungan Mo po akong putulin ang mga bisyo at gawaing naglalayo sa akin Sa’yo, sa aking pamilya at komunidad. Sa tulong ng Iyong Banal na Espiritu hangad ko pong mamuhay nang kalugod-lugod Sa’yo sa Bagong Taon ipinagkaloob Mo, Amen.