Daughters of Saint Paul

ENERO 14, 2021 – HUWEBES SA UNANG LINGGO NG TAON

EBANGHELYOMk 1:40-45

Lumapit sa kanya ang isang may ketong at nakiusap sa kanya: “Kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyon, iniwan ang lalaki ng kanyang ketong at luminis siya. Ngunit mahigpit siyang pinagbilinan ni Jesus sa kanyang pag-alis, sinabi niya: “Mag-ingat ka, huwag mo itong sabihin kaninuman, kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa pagkalinis sa iyo ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.” Ngunit pagkaalis ng tao, sinimulan niyang ipahayag ito kahit saan at ipamalita ang pangyayaring ito. Dahil dito, hindi na lantarang makapasok sa bayan si Jesus kundi nanatili siya sa labas, sa mga ilang na lugar. Ngunit may dumarating pa rin sa kanya na kung saan-saan galing.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Nimfa Ebora, ng PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo.  Nag-aalangan ka bang lumapit sa Diyos? Kung oo ang sagot mo, may mensahe sa’yo ang Ebanghelyo. / Sa harap ng taong itinuturing na marumi ng lipunan, lalong lumitaw sa pagpapagaling ni Hesus ng taong ketongin ang mukha ng Maawaing Diyos. Ang pagpapagaling ng Diyos ay walang pasubali at lubos .  Ang paghawak ni Hesus sa taong may ketong ay hawak ng paglingap sa taong aba at walang masulingan. Ang pagpapanumbalik ng kanyang kalusugan ay pagpapanumbalik din ng kanyang ugnayan sa loob ng pamayanan. / Kahanga-hanga ang tibay ng pananampalataya na ipinakita ng taong may ketong. Bagama’t hinahadlangan ng mapanghusgang lipunan, lakas-loob niyang nilapitan si Hesus, nanikluhod at humingi ng awa nito.// Sa maraming pagkakataon sa ating buhay, may mga bagay na humahadlang sa atin upang lumapit sa Diyos. Minsa’y may pakiramdam tayong malayo ang Diyos o kaya nama’y hindi tayo karapat-dapat na lumapit sa kanya. Mga kapatid, inaanyayahan tayo ng taong pinagaling ni Hesus sa Ebanghelyo na huwag mag-atubili sa paglapit sa Kanya. Pagpapakumbaba at pagkilala sa kanyang awa ang unang hakbang sa kagalingan. Pero higit dito, ang matibay na pananampalataya na ang Diyos ay mapagkalinga at hindi nagtatakwil. Angkinin natin ang pananampalatayang ito. Lumapit tayo sa kanya at makatatagpo tayo ng kagalingan.// 

PANALANGIN

Panginoon, lumalapit po ako sa iyo nang may pagpapakumbaba. Palakasin mo po ang aking pananampalataya upang sa gayo’y lagi kong matamo ang iyong awa. Amen.