BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ikalawang Linggo sa karaniwang panahon ng ating liturhiya. Pasalamatan natin Siya sa isang linggong nagdaan, sa mga biyaya at pagpapala, lalo na sa patuloy Niyang pag-iingat at paggabay sa atin hanggang sa sandaling ito. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang buksan na natin ang puso at isip sa paggabay ng Banal na Espiritu upang maunawaan ang mensahe ng Mabuting Balita ayon kay San Juan kabanata isa, talata tatlumpu’t lima hanggang apatnapu’t dalawa.
EBANGHELYO: Jn 1:35-42
Naroon [sa Betaraba, sa kabilang ibayo ng Jordan] si Juan at dalawa sa kanyang mga alagad. Pagkakita niya kay Hesus na naglalakad, ito ang kanyang sinabi: “Hayan ang Kordero ng Diyos.” At narinig ng dalawang alagad ang kanyang binigkas at sinundan nila si Hesus. Lumingon si Hesus at nakita niya silang sumusunod sa kanya, at sinabi niya sa kanila: “Ano ang hinahanap ninyo?” Sumagot naman sila sa kanya: “Rabbi (na kung isasalin ay Guro), saan ka nakatira?” At sinabi niya sa kanila: “Halikayo at makikita n’yo.” At pumaroon sila at nakita nila kung saan siya tumutuloy, at maghapon silang nanuluyan sa kanya. Mag-iikaapat ng hapon ang oras noon. Si Andres na kapatid ni Simon Pedro ay isa sa dalawang nakarinig kay Juan at sumunod sa kanya. Una niyang hinanap ang kapatid niyang si Simon at sinabi sa kanya: “Natagpuan namin ang Mesiyas (na kung isasalin ay Pinahiran).” Inihatid niya siya kay Hesus. Pagkakita sa kanya ni Hesus, sinabi niya: “Si Simon ka na anak ni Juan. Kefas ang itatawag sa iyo (na kung isasalin ay Pedro).”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., Director ng Biblical Apostolate ng Archdiocese of Manila ang pagninilay sa ebanghelyo. “Ano ang kailangan niyo?”, ito ang tanong ni Hesus sa mga alagad ni Juan Bautista na nagsimulang sumunod sa kanya. “Anong kailangan niyo? Anong hinahanap niyo?” Hindi ko alam sa inyo, pero para sa akin, ang problema, hindi ko talaga alam kung ano ang gusto ko. Marahil ang mga alagad ay hindi rin talaga sigurado, dahil hindi sila sumagot nang direkta kay Hesus. Sa halip, nagtanong sila kung saan siya nakatira. Gusto nilang makasama si Hesus at makilala siya. At ang tugon sa kanila ni Hesus: “Halikayo at tignan ninyo”. Mga kapatid, sa bawat simula ng bagong taon, madalas nating itanong “Ano ba ang hinahanap ko?” “Masaya ba ako kung nasaan ako?” “Ito na ba ang lahat?”. Ang tugon ni Hesus sa mga alagad ay tugon din niya sa atin: “Halikayo at tignan ninyo”. Nais ni Hesus na sumama tayo sa kanya, kilalanin siya, at magkaroon ng malalim na ugnayan sa kanya. Tandaan natin, ang sagot sa pinakamalalim na katanungan at pangangailangan ng sangkatauhan ay hindi sa isang intelektwal na solusyon o pilosopiya makikita, kundi sa isang tao – kay Hesus, ang salitang nagkatawang-tao. Ngayong bagong taon, sikapin nating laging sumunod kay Hesus, manatili sa kanyang piling at maging tapat sa kanyang mga aral at halimbawa.