BAGONG UMAGA
Isang Masigla at puno ng pag-asang araw ng Lunes minamahal kong kapatid kay Kristo. Salubungin natin ang panibagong araw, panibagong linggo nang may puspos ng pasasalamat at kagalakan sa walang-hanggang pagkalinga ng Diyos sa atin. Ikalabinlima ngayon ng Enero, ginugunita natin si San Arnoldo Janssen, tagapagtatag ng Society of Divine Word o SVD. Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin, hilingin nating lumago tayo sa pagmamahal at pagpapahalaga sa Salita ng Diyos na buhay. Isang mainit na pagbati po ng happy-happy birthday sa lahat ng nagdiriwang ng kaarawan ngayon at sa buong linggong ito. Pagpalain nawa ng Panginoon ang panibagong taon sa inyong buhay. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Panawagang panindigan ang ating pananampalataya sa kabila ng mga pag-uusig na ating mararanasan sa pagsabuhay nito, ang tema ng Mabuting Balitang maririnig natin, ayon kay San Markos kabanata dalawa, talata labing walo hanggang dalawampu’t dalawa.
EBANGHELYO: Mk 2:18-22
Nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo. Kaya may lumapit kay Hesus at nagtanong: “May araw ng ayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng Pariseo, at wala ba namang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” Sinagot sila ni Hesus: “Puwede bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan kapag kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na kukunin sa kanila ang nobyo; sa araw na iyon sila mag-aayuno. “Walang nagtatagpi ng piraso ng bagong tela sa lumang damit. Kung gagawin mo ito, hihilahin ng tagpi ang damit, ng bago ang luma at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng baong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, puputukin ng alak ang mga sisidlan at masisira ang alak pati na ang mga sisidlan. Sa bagong sisidlan ang bagong alak!”
PAGNINILAY
Mga kapatid, kung isa tayong Kristiyanong nagsusumikap isabuhay ang turo ng Panginoong Hesukristo sa kasalukuyang mundo, katakot-takot na pagtuligsa, pagsalungat at paninira ang mararanasan natin, mula sa mga taong ayaw sumunod sa mga turo ng Panginoon. Hindi na bago ang senaryong ito. Dahil maging sa buhay ng mga unang Kristiyano, marami sa kanila ang tinuligsa, pinahirapan at pinatay dahil sa matatag nilang paninindigan sa pananampalataya. Pero, hindi sila nagdalawang isip na manindigan sa kanilang pananampalataya. Handa silang mag-alay ng buhay hanggang sa huli, dahil malinaw sa kanila na ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ang pinakamahalaga. Batid nila, na ang buhay natin sa mundong ito ay pansamantala lamang – iiwanan natin ang lahat-lahat, sa oras kamatayan, at ang pinakamahaga, ang estado ng ating kaluluwa, kapag nakipagharap tayo sa ating Ama sa Langit. Maipagmamalaki ba natin na naging tapat tayo sa mga turo ng Panginoon? Mga kapatid, kapag sinikap nating manindigan sa mga turo ng Panginoon, totoong maraming sasalungat sa atin, dahil totoong magkaiba ang pinahahalagahan ng mga taong makamundo at maka-Diyos. Katulad ng luma at bagong tela sa narinig sa Ebanghelyo, mahirap silang pagtagpiin dahil mapupunit at masasayang kapag pinilit natin. Kaya kinakailangan nating mamili, para ba tayo sa Diyos? O para sa kalaban ng Diyos?