Daughters of Saint Paul

Enero 16, 2017 LUNES Ikalawang Linggo ng Taon / Santa Prescilla

Mk 2:18-22

Nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo.  Kaya may lumapit kay Jesus at nagtanong: “May araw ng ayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Pariseo, at wala ba namang pag-aayuno ang iyong mga alagad?”

            Sinagot sila si Jesus: “Puwede bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan kapag kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na kukunin sa kanila ang nobyo; sa araw na iyon sila mag-aayuno.

            Walang nagtatagpi ng piraso ng bagong tela sa lumang damit.  Kung gagawin mo ito, hihilahin ng tagpi ang damit, ng bago ang luma ata lalo pang lalaki ang punit.  At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan.  Kung gagawin mo ito, papuputukin ng alak ang mga sisidlan at masisira ang alak pati na ang mga sisidlan.  Sa bagong sisidlan ang bagong alak!”

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig marahil itatanong ninyo, ano ba ang kahulugan ngayon sa atin ng mga luma at bagong paghahambing na ito?  Mga kapatid, nais ipahiwatig nito sa atin na kailangan nating iakma at ibagay ang ating mga sarili sa sitwasyon at mga tao.  Pero hindi naman ito nangangahulugan na aayon na lamang tayo sa agos ng buhay at kalilimutan ang ating mga sariling pagkatao sa gitna ng nakakarami.  Ibig sabihin lamang nito’y pahahalagahan natin ang mga bago, habang iniingatan natin ang mga mabubuting bagay sa nakaraan.  Katulad ng pagpapahalaga sa kung ano ang meron tayo habang handa naman nating pakawalan ang mga bagay na dapat na nating ibigay sa iba; at paninindigan sa ating pinaniniwalaan sa kabila ng mga pagbatikos at paghihirap.  Halimbawa, sa pananaw ng isang ina na may pagpapahalaga sa buhay ng tao at may takot sa Diyos – ang bawat sanggol na ipinagbubuntis, isang napakalaking biyayang nagmumula sa Diyos. Kaya, kanyang itong iniingatan at minamahal kahit nasa sinapupunan pa lamang. Samantalang sa isang ina na mas pinahahalagahan ang propesyon, luho, kumportableng buhay, at pansariling kapakanan – ang bawat sanggol na ipinagbubuntis, sagabal sa plano at tila isang salot na dapat alisin.  Kawawang sanggol na walang kalaban-laban!  Mga kapatid, sa gitna ng kultura ng kamatayan na umiiral sa kasalukuyan, na masasabing makabagong batas ng tao, na tutugon daw sa isyu ng kriminalidad at susugpo sa kalakaran ng droga sa’ting bansa – panghawakan pa rin natin ang lumang turo ng Panginoon na pahalagahan ang buhay ng tao mula sa sinapupunan hanggang kamatayan.