EBANGHELYO: MARCOS 1:40-45
Lumapit kay Jesus ang isang mayketong at nakiusap sa kanya: “Kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” “Gusto ko luminis ka!” Nang oras ding iyon, iniwan ang lalaki ng kanyang ketong at luminis siya.Ngunit mahigpit siyang pinagbilinan ni Jesus sa kanyang pag-alis, sinabi niya: “Mag-ingat ka, huwag mo itong sabihin kaninuman, kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa pagkalinis sa iyo ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.”Ngunit pagkaalis ng tao, sinimulan niyang ipahayag ito kahit saan at ipamalita ang pangyayaring ito. Dahil dito, hindi na lantarang makapasok sa bayan si Jesus kundi nanatili siya sa labas, sa mga ilang na lugar. Ngunit may dumarating pa rin sa kanya na kung saan-saan galing.
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, noong kapanahunan ni Jesus, ang isang ketongin ay hindi pinapayagang lumapit man lang sa mga taong “malilinis.” Parang pinarusahan ang isang ketongin dahil sa tinitiis niyang hirap ng katawan at kalooban bunga ng pagtalikod sa kanya ng lipunan. Buhay pa man siya, parang patay na rin kung ituring dahil pinandidirihan siya ng mga tao. Sa Ebanghelyo ngayon, nilabag ng ketongin ang batas nang lumapit siya kay Jesus. Maaaring mahawa si Jesus sa kanyang sakit at maging marumi ayon sa batas ng mga Judio. Pero hindi umiwas sa kanya si Jesus, ni hindi siya pinandirihan. Nakita ng Panginoon ang kanyang kaawa-awang kalagayan at kinahabagan Niya siya. Hindi inalintanang hinipo ni Jesus ang ketongin, walang takot kung mahawa man Siya nito o kung ano ang sabihin ng ibang tao. Pinagaling ni Jesus ang lalaki at pinapunta sa mga pari upang masuri at maialay alang-alang sa pagkalinis sa Kanya at maibalik siya sa nararapat niyang lugar. Mga kapanalig, tunay na napakamahabagin ng Panginoong Jesus. Nalalaman Niya ang mga pinagdadaanan nating paghihirap – sa katawan man o sa ating espirito. Hangad Niyang pagalingin tayo, pero katulad ng ketongin sa Ebanghelyo kailangang ipahayag natin ang pagnanais na ito. Wag tayong matatakot na lumapit sa Kanya. Ni magdalawang isip na tayo’y talikdan at pandirihan. Dahil malayo pa tayo nababasa na ng Panginoon ang taimtim na hangarin ng ating puso. Manalig tayo sa Kanyang kagandahang loob.
PANALANGIN:
Panginoon, nagsusumamo po ako na pagalingin Mo sa aking pisikal at espiritwal na karamdaman. Amen.