EBANGHELYO: Mk 2:13-17
Pumunta si Jesus sa tabing-dagat at lumapit din sa kanya ang lahat. Kaya nagturo siya sa kanila. Nakita naman niya sa paglalakad si Levi na anak ni Alfeo, na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo ito at sinundan siya. Habang nanunuluyan naman si Jesus sa bahay niya, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Talagang ngang marami sila. Ngunit may mga guro ng Batas namang sumusunod sa kanya. Nang makita nila na nasa hapag siya kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanyang mga alagad: “Ano! Kumakain siyang kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis?” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga may sakit! Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Eli Doroteo ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa ebanghelyo. Halika, sumunod ka! Ito ang tawag ng ating Panginoon kay Levi o kay Mateo! Para sa akin, ano ba ang ibig sabihin nito? Isang malumanay na paanyaya? O ito ay isang utos? Marahil depende kung paano ito sinabi. Paanyaya man o utos, ito ay isang hamon na naghihintay ng “personal” na tugon. Mga kapatid, ang pagtugon o pagsunod ay pagpapakita ng kagandahang loob at kalayaan ng isang tao. Sa ating Ebanghelyo, si Mateo ay tinawag ng Panginoong Hesus habang ginagampanan nya ang kanyang hanapbuhay. Ganoon din ang pagtawag sa akin ni Hesus, tinawag nya ako bilang isang anak, ama, asawa, kapatid, kaibigan, manggagawa. Ano ba ng aking tugon? Naging mabuti ba akong anak sa aking mga magulang? Mabuting ama ba ako sa aking mga anak? Mabuti ba akong asawa? Ang pagtugon ay kinakailangang pagsumikapan sa araw-araw na buhay dahil may mga dapat ding isuko. Gaya ni Levi o ni Mateo, noong sumunod siya sa Panginoon; handa niyang isuko ang kanyang hanapbuhay at isang marangyang pamumuhay; handa siyang magbagong-buhay kasama ni Hesus.//
PANALANGIN
Panginoon, ang aking pagkukunwari at kayabangan ay walang puwang sa iyong harapan. Ang tanging hangad mo sa akin ay isuko sa iyo ang aking kalayaan at ang aking kalooban. Hubugin at hilumin mo po ako upang ako ay maging marapat na makasalo mo sa iyong hapag. Amen.