Daughters of Saint Paul

ENERO 16, 2024 – Martes sa Ikalawang Linggo ng Taon | San Jose Vaz

BAGONG UMAGA

Mapagpalang araw ng Martes minamahal kong kapatid kay Kristo.  Kumusta po kayo?  Kumusta ang pagsabuhay ninyo ng pananampalataya araw-araw?  Nawa’y Pag-ibig sa Diyos at sa kapwa ang nangingibabaw na alituntunin na iyong sinusunod, nang higit sa anupamang batas sa Araw ng Pamamahinga, na taliwas sa pangunahing utos ng Diyos ukol sa pagmamahal.  Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata dalawa, talata dalawampu’t tatlo hanggang dalawampu’t walo.

EBANGHELYO: Mk 2:23-28

Naglakad si Hesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga.  At habang naglalakad ang kanyang mga alagad, sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kainin iyon.  At sinabi kay Hesus ng mga Pariseo: “Tingnan mo ang ginagawa nila sa Araw ng Pahinga.  Hindi ito ipinahihintulot.” Ngunit sumagot si Hesus: “Hindi n’yo ba nabasa ni minsan ang ginagawa ni David nang nangangailangan siya at nagugutom pati na ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos nang si Abiatar ang punong-pari, at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal ito kaninuman liban sa mga pari, at binigyan pa niya pati na ang kanyang mga kasama.”  At sinabi pa sa kanila ni Hesus: “Dahil sa tao kaya ginawa ang Araw ng Pahinga ngunit hindi ang tao dahil sa Araw ng Pahinga.  Kung gayon, ang anak ng tao ang Panginoon kahit na ng Araw ng Pahinga.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Cl. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Mahigpit na sinusunod ng mga Hudyo ang Batas ni Moises. Ang Sabbath o araw ng pamamahinga ay parte ng Batas na iyon, at ito ay sagrado para sa kanila. Ang Batas ni Moises ang kanilang sukatan, sa pagiging isang taong matuwid. [Kaya nga, sa ebanghelyo, si San Jose, ang Ama ng ating Panginoong Hesus dito sa lupa, ay kinilala ng mga ebanghelista bilang taong “matuwid” dahil sinusunod niyang mabuti ang mga Batas ni Moises, isa na dun marahil ang Sabbath.]  Sa sulat ni San Pablo sa mga taga Galatia, mayroong napakagandang paglalarawan si San Pablo tungkol sa Batas na ito. Sabi niya, ang “Batas ni Moises” ay isang “mentor” o “pais” sa salitang griyego. Tagapaggabay. Pero, ang salitang “pais” din, ay may iba pang kahulugan. “Pais” din ang tawag sa isang tagapag-alaga ng bata, habang wala pa ang magulang. Kaya nga’t kargo niya ang bata, papakainin, aalagaan, o siguro paminsan didisiplinahin. Pero, pag dumating na ang magulang, aba’y syempre, mas mahalaga sila kaysa sa tagapag-alaga. Sa kontekstong ito ang tanong, ano ba ang mas mahalaga yung bata o yung tagapag-alaga? Syempre po, yung bata. Ganito magandang ilarawan ang mabuting balita natin ngayon. Ang bata, tayong lahat, ang “pais” o “mentor” ay ang Batas ni Moises, na kung saan nabibilang ang sabbath. Ang magulang ay si Hesus. Kaya sinasabi ni Hesus: “The sabbath was made for man, not man for the sabbath. That is why the Son of Man is lord even of the sabbath.” Mga kapatid, kilala tayo ng Diyos at mahal niya tayo, given na yun, higit sa lahat ngayong araw sinasabi sa atin: may pakialam ang Diyos sa’kin at sayo. Siya’y tunay nating Ama, at hinding-hindi Niya tayo pababayaan.  Amen.