Daughters of Saint Paul

Enero 17, 2017 MARTES Ikalawang Linggo ng Taon / San Antonio Abad

 

Heb 6:10-20 – Slm 111 – Mk 2:23-28

Mk 2:23-28

Naglakad si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga.  At habang naglalakad ang kanyang mga alagad, sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kainin iyon.  At sinabi kay Jesus ng mga Pariseo: “Tingnan mo ang ginagawa nila sa Araw ng Pahinga.  Hindi ito ipinahihintulot.”

            Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi n’yo ba nabasa ni minsan ang ginawa ni David nang nangangailangan siya at nagugutom pati na ang kanyang mga kasama?  Pumasok siya sa bahay ng Diyos nang si Abiatar ang punong-pari, at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal ito kaninuman liban sa mga pari, at binigyan pa niya pati na ang kanyang mga kasama.”  At sinabi pa sa kanila ni Jesus: “Dahil sa tao kaya ginawa ang Araw ng Pahinga ngunit hindi ang tao dahil sa Araw ng Pahinga.  Kung gayon, ang anak ng tao ang Panginoon kahit na ng Araw ng Pahinga.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, itinatag ng Diyos ang Araw ng Pahinga para sa kapakanan ng tao.  Bilang tanda ng pakikipagtipan ng Diyos sa Israel, layunin ng Diyos na ang Sabat makapagbigay sa tao ng panahon upang makapagpahinga, makapagnilay at makipag-ugnayan sa Kanya.  Sa pagpapahinga sa araw na ito, inaalaala ng tao ang banal na pagpapahinga ng Diyos pagkatapos Niyang likhain ang lahat ng bagay.  Dahil dito, ipinagbabawal ng mga guro ng mga Judio ang 39 na iba’t-ibang uri ng gawain kung araw ng Sabat.  Kasama na rito ang pag-aani tulad ng mga ginawa ng mga alagad ni Jesus na pag-aalis sa uhay ng mga butil.  Pero, may pagkilos na pinapayagan sa Araw ng Pahinga tulad ng mga gawain sa Templo, pagkakalag ng baka o asno mula sa sabsaban upang painumin, at iba pang gawaing – buhay ang nakataya.  Mga kapatid, ang walang pakundangan at  napakahigpit na pagpapakahulugan ng mga Pariseo sa batas ang tinututulan ni Jesus.  Para kay Jesus, ang Batas dapat maging makatao at ayon sa pangangailangan ng tao.  Layunin ng Batas na turuan at palayain ang tao, hindi ang talian at bigyan ito ng labis na pabigat.  Tunay ngang dapat itaguyod ng Batas ang buhay ng tao, hindi ang pahirapin ito.  Ang tungkuling mahalin at paglingkuran ang kapwa, higit na mahalaga kaysa literal na pagtupad sa Araw ng Pahinga.  Pag-ibig sa Diyos at sa kapwa ang tunay na diwa ng Batas.  Hilingin natin sa Diyos ang biyayang lumago sa pagsabuhay ng tunay na diwa ng pag-ibig nang lagi nating mapapurihan ang Diyos sa hiram nating buhay.