Daughters of Saint Paul

ENERO 17, 2018 Miyerkules sa Ikalawang Linggo ng Taon / San Antonio Abad (Paggunita)

MARCOS 3:1-6

Pumasok si Jesus sa sinagoga, at naroon ang isang lalaki na hindi maigalaw ang kamay, at gusto rin ng ilan na isumbong si Jesus. Kaya nagmasid sila at baka pagalingin siya ni Jesus sa Araw ng Pahinga. At sinabi naman niya sa taong hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka sa gitna.” At saka niya sila tinanong: “Ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” At hindi sila umimik. Kaya tiningnan niya silang lahat, na nagagalit at nalulungkot dahil sa katigasan ng kanilang puso, at sinabi sa lalaki: “Iunat mo ang iyong kamay.” Inunat nga ng tao ang kamay at gumaling ito. Pagkalabas ng mga Pariseo, nakipagtipon sila sa mga kakampi ni Herodes para masiraan nila siya.

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, narinig natin ang tanong ni Jesus:  “Ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama; magligtas ng buhay o pumatay?”  Tinanong ito ni Jesus dahil masyadong nababahala ang mga Pariseo sa madalas na pagpapagaling ni Jesus ng mga maysakit sa araw ng Sabat – tulad nitong pagpanumbalik niya ng buhay sa di-maigalaw na kamay ng tao.  Ang tanging naiisip nila, ang paglabag ni Jesus sa batas hindi ang pangangailangan ng taong nangangailangan ng buhay.  Kung nauunawaan lang sana nila ang malasakit ni Jesus sa pagtataguyod ng buhay ng bawat tao, hindi sana sila ganito kahigpit.  At nang makita nila ang pagpanumbalik ng buhay sa kamay ng tao, hindi man lang sila natuwa kundi lalo pa silang nagngitngit.  Galit at awa ang naramdaman ni Jesus sa kanila.  Galit dahil sa matigas nilang puso.  Awa naman dahil nakita ni Jesus kung gaano kalaki ang agwat ng tunay na pananampalataya sa kanilang puso.  Tayo kaya, paano natin tinatangkilik ang mabuting gawa ng ating kapwa? Gaano kalaki tayong magbigay ng konsiderasyon?  Madali ba tayong mabahala sa mga detalyeng ipinag-uutos na nagiging hadlang sa pagtataguyod natin ng buhay?  Bigyan natin ng puwang ang katanungang ito upang maitama natin ang ating gawi kung sakali mang nagiging taliwas na sa turo ng Panginoon ang pagpapahalaga natin.  Hindi nga ba’t mas mahalaga ang iligtas ang buhay ng ating kapwa kaysa matali na lang tayo sa batas?  Si San Pablo mismo ang nagsabi na”  “Maganda ang pagmalasakitan lagi ang mabuti dahil sa mainam na layunin.”  Panginoon, pagkalooban Mo po ako ng pusong mahabagin, mapagmahal at lakas ng loob na panindigan ang kahalagahan ng buhay.  Huwag nawang maging makitid ang pag-unawa at pagsabuhay ko Sa’yong utos.  Amen.