Daughters of Saint Paul

ENERO 17, 2024 – Miyerkules sa Ikalawang Linggo ng Taon | San Antonio Abad (Paggunita)

BAGONG UMAGA

Mapayapang araw ng Miyerkules ginigiliw kong kapatid kay Kristo.  Dakilain natin ang Diyos ng Pag-ibig!   Ika-labimpito ngayon ng Enero, ginugunita natin si San Antonio Abad, ang “ama ng monastesismo”.  Ang kanyang buhay ay nag-nagpapaalala sa atin na magdasal, upang mapaglabanan ang mga tukso, panloloko at kasinungalingan ng demonyo sa ating panahon.  Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito at sa tulong ng kanyang panalangin, hilingin nating matutunan, na pag-ibig ang tunay na diwa ng utos na Diyos ukol sa Araw ng Pamamahinga, at hindi ang mahipit na pagpapatupad nito.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata tatlo, talata isa hanggang anim.  

EBANGHELYO: Mk 3:1-6

Pumasok si Hesus sa sinagoga, at naroon ang isang lalaki na hindi maigalaw ang kamay, at gusto rin ng ilan na isumbong si Hesus.  Kaya nagmasid sila at baka pagalingin siya ni Hesus sa Araw ng Pahinga. At sinabi naman niya s taong hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka sa gitna.”  At saka niya sila tinanong: “Ano ang pinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” At hindi sila umimik. Kaya tiningnan niya silang lahat, na nagagalit at nalulungkot dahil sa katigasan ng kanilang puso, at sinabi sa lalaki: “lunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng tao ang kamay at gumaling ito. Pagkalabas ng mga Pariseo, nakipagtipon sila sa mga kakampi ni Herodes para masiraan nila siya.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sa Sinagoga kung saan nagtitipon ang mga tao noong panahon ng ating Panginoong Hesus para sa kanilang pagsamba at pag-aaral, pinagmamasdan nila ang ating Panginoon kung sya ay magpapagaling sa araw ng pamamahinga, upang sya ay kanilang maisakdal. Mga kapatid, narinig natin sa pagbasa na tinanong ng Panginoong Hesus ang mga taong nagmamasid sa kanya.  Aniya’y, “Ipinahihintulot ba ang gumawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga o ang gumawa ng masama? Ang magligtas ng buhay O pumatay? At lahat sila ay hindi nakaimik!  Sa ating pang- araw- araw na buhay maaaring hindi tayo nalalayo sa karanasang tulad ng sa ating Panginoon Hesus.  Yung may nakamasid sa’yo habang ginagampanan ang iyong mga gawain, upang kung sakaling magkamali ka, tuwiran ka nilang pagsasabihan ng iyong pagkakamali. Sa isang banda, dapat din nating i-appreciate ang positibong dulot ng pagtutuwid ng mahinahon sa ating pagkakamali, para na rin sa ating ikabubuti.  Sa kabilang banda, mahalagang matanto natin, na hindi natin kayang maibigay ang lahat ng kagustuhan ng mga tao.” We cannot please everybody.” Ang mahalaga gumawa tayo ayon sa ating misyon.