Heb 7:1-3, 15-17 – Slm 110 – Mk 3:1-6
Mk 3:1-6
Pumasok si Jesus sa sinagoga, at naroon ang isang lalaki na hindi maigalaw ang kamay, at may gusto ring isumbong si Jesus. Kaya nagmasid sila at baka pagalingin siya ni Jesus sa Araw ng Pahinga.
At sinabi naman niya sa taong hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka sa gitna.” At saka niya sila tinanong: “Ano ang pinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” At hindi sila umimik.
Kaya tiningnan niya silang lahat, na nagagalit at nalulungkot dahil sa katigasan ng kanilang puso, at sinabi sa lalaki: “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng tao ang kamay at gumaling ito.
Pagkalabas ng mga Pariseo, nakipagtipon sila sa mga kakampi ni Herodes para masiraan nila siya.
PAGNINILAY
Ang kamay nilikha upang iugnay sa kapwa. Sa pag-unat ng ating mga kamay, nabibigyan ng pagkakataong iugnay ang sarili sa sangnilikha. Ang pag-unat ng kamay, nagpapahiwatig ng pakikiisa, pakikisangkot at pagdamay. Sa pag-unat ng ating mga kamay, naglalarawan ito na hindi tayo iba sa ating kapwa. Ang taong may katigasan ng puso, tumatangging mag-unat ng kamay – nagbubunga ito ng paglayo, kawalang-pakialam, at pagiging makasarili. Sa salita ni Jesus na iunat ang mga kamay ng maysakit, nabuo muli ang nawasak na pagkakataong bunga ng kawalan ng ugnayan. Nais ng mga Pariseong dakpin si Jesus dala ng paglabag Niya sa batas ng Sabat. Nais nilang pigilan ang pag-unat ng kamay ng tao at ng Diyos. Mga kapatid, paano ba natin ginagamit at pinapahalagahan ang ating mga kamay? Ginagamit ba natin ito sa kabutihan at paglilingkod sa ating kapwa o sa paggawa ng kasalanan at pisikal na pananakit sa iba? Binigyan tayo ng Diyos ng mga kamay upang ipagpatuloy natin ang Kanyang misyon na ipangaral ang Mabuting Balita ng kaligtasan sa pamamagitan ng mabubuti nating gawa. Wala na ang Panginoong Jesus sa ating piling, pero tayo sa kasalukuyan ang Kanyang buhay na presensya – ang Kanyang mga kamay at paa na magpapatuloy sa Kanyang misyon. Suriin natin ang sarili kung sa paanong paraan natin ginagamit ang ating mga kamay? Pasalamatan natin ang Diyos sa napakaraming pagkakataong ginamit natin ang ating mga kamay sa paggawa ng kabutihan – sa pagtapik sa balikat ng kapwa nating nahihirapan, sa pagbigay ng tubig at makakain sa taong nauuhaw at nagugutom, at sa pagkalinga sa mga may sakit at kapansanan. Humingi rin tayo ng tawad sa mga pagkakataong ginamit natin ang ating mga kamay sa mga gawaing makasarili na naging dahilan ng paghihirap ng ating kapwa.