EBANGHELYO: MARCOS 2:13-17
Pumunta si Jesus sa tabing-dagat at lumapit din sa kanya ang lahat. Kaya nagturo siya sa kanila.
Nakita naman niya sa paglalakad si Levi na anak ni Alfeo, na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo ito at sinundan siya.Habang nanunuluyan naman si Jesus sa bahay niya, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Talaga ngang marami sila. Ngunit may mga guro ng Batas namang sumusunod sa kanya. Nang makita nila na nasa hapag siya kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanyang mga alagad: “Ano! Kumakain siyang kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis?”Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. “Birds of the same feather flock together.” Kadalasan ang kasabihang ito ang ating nagiging batayan sa pagkilatis ng isang tao. Kaya nga may mga magulang na laging pinapaalalahanan ang mga anak na iwasan ang masamang barkada upang di magaya sa kanila. Pero si Jesus kakaiba! Wala siyang pakialam sa nakaraan o kasalukuyan ng isang tao. Nakikita Niya kasi marahil ang future ng bawat tao! Wika nga ni Cardinal Tagle, “Hindi tinatawag ng Diyos ang mga karapat-dapat, kundi pinapagin dapat Niya ang kanyang mga tinatawag”. Kaya hindi hadlang ang ating kahinaan sa pagtugon sa tawag ng Diyos. Madalas kong marinig sa ilang kabataan ang ganito: “Ay naku sister, hindi ako pwedeng magmadre. Makasalanan ako. Magugulo ang kumbento kapag pumasok ako diyan”. Tugon ko naman, “Ako rin nga makasalanan. Di pa naman ako santa pero tinawag ako ng Diyos, at dahil tumugon ako sa kanya, pinupuno nya ako ng mga biyaya na tumutulong sa akin upang maging banal sa kabila ng aking mga kahinaan. Kaya mga kapatid,huwag sana tayong matakot tumugon sa tawag ni Jesus kahit ramdam mo na di ka karapat-dapat. Ang higit na kailangan ni Jesus, isang pusong bukas at tapat, na handang iwanan ang lahat kapag tinawag Nya. Pupunan Nya ang anumang kulang sa atin upang maging handa tayo sa pagganap ng ating misyon.