Daughters of Saint Paul

ENERO 18, 2021 – LUNES SA IKALAWANG LINGGO NG TAON

EBANGHELYOMk 2:18-22

Nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo.  Kaya may lumapit kay Jesus at nagtanong: “May araw ng ayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Pariseo, at wala ba namang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” “Puwede bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan kapag kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na kukunin sa kanila ang nobyo; sa araw na iyon sila mag-aayuno. Walang nagtatagpi ng piraso ng bagong tela sa lumang damit.  Kung gagawin mo ito, hihilahin ng tagpi ang damit, ng bago ang luma at lalo pang lalaki ang punit.  At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlan.  Kung gagawin mo ito, papuputukin ng alak ang mga sisidlan at masisira ang alak pati na ang sisidlan.  Sa bagong sisidlan ang bagong alak!”

PAGNINILAY

Isinulat ni Lulu Pechuela, isang Pauline Cooperator ang pagninilay sa ebanghelyo.  “Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan pero ang iyo ay hindi?  Ito ang tanong ng mga tao kay Jesus.  Sinagot sila at pinagpaliwanagan nang Panginoon. Mga kapatid, ang tanong na ito ay nagmula sa kalituhan marahil, dahil magkaibang-magkaiba ang pamamaraan ng pangangaral ng Panginoong Jesus at ni Juan Bautista. O maari ding paraan nila ito, upang bitagin ang Panginoon upang makapagbitiw ng salita na maaring gamitin laban sa kanya.  Sa tingin ko, tila gustong “pagsabungin’ ng mga pariseo ang Panginoong Jesus at si Juan Bautista at ang kanilang mga alagad. Parang 2020 lang.// Libong taon na ang nakararaan, pero di pa din nagbabago ang tao. Mahilig pa ring gumawa ng “issue” at paglaban-labanin ang kapwa.  Napakahilig nating ipaghambing-hambing ang ating kapwa, hindi para sa ikabubuti kundi upang ipangalandakan ang kanilang “kahinaan” o “kakulangan”. Expert tayo sa pagbalangkas ng intriga, na kunwari ay naghahanap ng kaliwanagan pero sa totoo lang ay naghahasik ng kaguluhan sa kaisipan ng kapwa.//

PANALANGIN

Panginoon, napakagulo na ng aming paligid. Kampi-kampi, hati-hati ang mga mamamayan. Huwag nawa kaming maligaw nang landas. Nawa ay maging instrumento kami ng pagkakaisa at kaayapaan, at hindi ng pagkakahiwa-hiwalay.  Sa panahong ito, higit kailanman, ipagkaloob mo po sa amin ang kapayapaan at ang pagkakaisa, para sa ikabubuti ng lahat, Amen.