Daughters of Saint Paul

ENERO 18, 2024 – Huwebes sa Ikalawang Linggo ng Taon | Santa Margarita ng Unggaria

BAGONG UMAGA

Mapagpalayang araw ng Huwebes minamahal kong kapatid kay Kristo.  Ika-labing walo ngayon ng Enero, ginugunita natin si Santa Margarita ng Unggaria.  Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin, hilingin nating matularan ang kababaang loob at pagiging simple ng ating Panginoong Hesukristo.  Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Matutunghayan natin ang tagpo ng pagpagaling ni Hesus sa mga may sakit, sa Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata tatlo, talata pito hanggang labindalawa.

Ebanghelyo: Mk 3:7-12

Lumayo si Hesus na kasama ang kanyang mga alagad papunta sa dagat.  Maraming taga-Galilea nag sumunod sa kanya. Mayroon din namang mga taong galing sa Judea at Jerusalem, at sa Idumea at sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa Tiro at Sidon.  Maraming-marami ang nagpunta sa kanya nang mabalitaan nila ang lahat niyang ginagawa. Kaya tinagubilinan niya ang kanyang mga alagad na ihanda ang isang bangka para sa kanya dahil maraming tao, at baka nila siya maipit.  Marami na siyang pinagaling kaya pilit siyang inaabot ng lahat ng may karamdaman para mahipo siya.  Sinusugod siya ng mga inaalihan ng maruruming espiritu pagkakita sa kanya.  Nagpapatirapa sila sa kanyang paanan at pasigaw nilang sinasabi: “Ikaw ang anak ng Diyos.” Ngunit tinagubilinan niya silang huwag siyang ibunyag.

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Brian Tayag ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Narinig natin sa Ebanghelyo, na isang malaking pulutong ng tao, mula sa iba’t ibang lugar at rehiyon ang sumusunod kay Hesus. Malamang sila’y naglalakbay ng maraming araw, upang makita si Hesus. What was it that drew people to Hesus? Marahil, magkaka-iba ang sagot. Ang ilan sa kanila ay curious, kaya gustong makita si Hesus. Ang iba nama’y naghahanap ng kagalingan. Gusto ng iba, na mapakinggan ang mga aral at turo ni Hesus. Mangilan-ngilan sa kanila, gustong malaman kung siya nga ba ang Mesiyas. Ang iba naman, humanap ng ebidensyang gagamitin laban sa kanya. Ikaw naman, kapatid? Bakit ka naaakit kay Hesus? Ano ang iyong pangunahing layunin sa pagsunod sa kanya?  Isa sa mga dahilan, kung bakit positibo ang tugon ng mga tao kay Pope Francis, ay dahil nakikita nila sa kanya si Kristo – sa kanyang kababaang-loob at pagiging simple. Ipinakita ni Pope Francis ang kanyang sarili sa mundo, bilang isang icon ng pagiging simple at mababang-loob. Iniiwasang gamitin ni Pope Francis ang papal limousine, at hindi siya tumira sa magarbong Apostolic Palace. At ang mga tao mula sa lahat ng dako, sa lahat ng antas ng pamumuhay, ay hinangaan at iginagalang siya. Isinasabuhay at sinusunod ni Pope Francis ang turo ng kanyang Guro – si Hesukristo. Mga kapatid, tayo din ay nahaharap sa isang malaking hamon na tularan ang Panginoong Hesus. Ang Kanyang pagpapakumbaba ay nagbibigay ng tamang landas at nagsisilbing-daan, upang maitanim natin sa iba ang katotohanan ng Ebanghelyo. Ano kaya ang magiging epekto, kung mas makikita ng mga tao si Kristo sa atin? Nawa’y ang ating presensya ay maging isang magnet, na umaakit sa mga tao upang maihatid natin sila sa Diyos. Amen.