Heb 7:25-8:6 – Slm 40 – Mk 3:7-12
Mk 3:7-12
Lumayo si Jesus na kasama ang kanyang mga alagad papunta sa dagat. Maraming taga-Galilea ang sumunod sa kanya.
Mayroon din namang mga taong galing sa Judea at Jerusalem, at sa Idumea at sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa Tiro at Sidon. Maraming-marami ang nagpunta sa kanya nang mabalitaan nila ang lahat niyang ginagawa.
Kaya tinagubilinan niya ang kanyang mga alagad na ihanda ang isang bangka para sa kanya dahil maraming tao, at baka nila siya maipit. Marami na siyang pinagaling kaya pilit siyang inaabot ng lahat ng may karamdaman para mahipo siya. Sinusugod siya ng mga inaalihan ng maruruming espiritu pagkakita sa kanya. Nagpapatirapa sila sa kanyang paanan at pasigaw nilang sinasabi: “Ikaw ang anak ng Diyos.” Ngunit tinagubilinan niya silang huwag siyang ibunyag.
PAGNINILAY
Mga kapatid, sa panahon natin ngayon kapansin-pansin na napakaraming tao ang may karamdaman – pisikal man o espiritwal. Kaya hindi katakatakang dinudumog ang sino mang pari o sinumang tao na mabalitaang may kakayahang magpagaling. Katulad ng kuwento sa Ebanghelyong ating narinig. Sinusundan si Jesus ng maraming tao mula sa iba’t-ibang lugar sa paghahangad nilang mapagaling sa kanilang karamdaman. Sa isang banda, nakabubuti sa ating buhay- espiritwal ang pagkakasakit, dahil natututo tayong magdasal at mapalapit sa Diyos. Natutuhan nating pahalagahan ang hiram nating buhay, at nakakapag-isip-isip tayo kung para saan ba talaga ang ating buhay. Sa kabilang banda naman, napakahirap na karanasan ang magkasakit. Hindi lang pisikal na sakit ang ating mararamdaman, masakit din ito sa bulsa. Nagpapatotoo lamang ito sa kasabihang, “ang kalusugan ay kayamanan.” Kahit wala kang masyadong pera, tamang-tama lang sa iyong pang-araw-araw na pangangailangan – okey lang ‘yun basta wala kang malubhang karamdaman. May pera ka nga, pero may malubha ka namang sakit katulad ng cancer, sakit sa puso at kidney – mauubos din ang pera mo sa pagpapagamot. At isang katotohanang di natin matatakasan – hindi kayang pahabain ng pera ang buhay ng tao, maging ng pinaka-dalubhasang doktor – kung hindi ito ipapahintulot ng Diyos. Patunay lamang ito na ang Diyos ang nagmamay-ari ng ating buhay at Siya ang may ganap na kontrol sa ating buhay at kalakasan. Ihabilin natin sa Kanya ang ating sarili, sampu na ating mga mahal sa buhay nang panatilihin Niyang malakas ang ating pangangatawan.
